Hindi puwede si Bro. Eddie?
INILALAAN ko ang espasyong ito para sa isang artikulong sinulat ng kaibigan kong si Detchie Nonan-Mercado. Medyo pinaikli ko dahil sa kakulangan ng espasyo.
* * *
May mga nagpapayo kay Bro. Eddie Villanueva, lone senatorial candidate ng Bangon Pilipinas na dapat mabura sa isip ng taumbayan na siya ay pastor lang. Patunayan daw ni Bro. Eddie Villanueva na siya’y isa ring ekonomista, educator, businessman, at youth motivator-mentor. Pero bakit may ibang kandidato na artista, atleta, negosyante, haciendero, o kaanak ng tanyag na pamilya na nailuluklok sa puwesto?
Kung ang pagiging matuwid, mahusay at may takot sa Diyos ay itinuturing na depekto ng kandidato, sino pang karapatdapat ang dapat iluklok sa puwesto?
Naging law student ng University of the Philippines si Bro. Eddie Villanueva pero naunsiyami dahil dalawang beses siyang nakulong sa pagtatanggol sa mga manggagawang pinagkaitan ng mga karapatan sa panahon ng batas militar. Nanguna noon si Bro. Eddie sa mga protesta sa lansangan. Isinuong sa panganib ang buhay para sa bayan. Naglingkod ng buong tapang sa mga maliliit na mamamayan na napagkakaitan ng karapatan.
1973 nang isinuko niya ang buhay sa Panginoong Diyos. Ang mga pakikibaka niya ay ipinaubaya sa PaÂnginoon pati ang problema ng sariling pamilya na biktima ng pangangamkam ng lupa. Hinanap ni Bro. Eddie VillaÂnueva ang pinakamainam na solusyon sa mga simulating ipinaglalaban niya.
Itinayo ni Bro Eddie ang Jesus Is Lord (JIL) Church Worldwide na ngayon ay nakarating na umabot na sa 52 bansa kasama ang Russia, India at Afghanistan. Sa pagiging born again Christian minister ay nabigyan siya ng pagkakataong ituloy ang kanyang pagtatanggol sa mga nangangailangan dahil ang pagpapastor ay pagpapaalaÂlang sa Diyos ay may kaligtasan at buhay na walang hanggan. Ang pagpapastor, lingid sa kaalaman ng marami, ay pagbibigay pansin at pag-aalaga sa mga sinusubok ng tadhana, lalo na doon sa mga maliliit, sugatan, at mga nakalimutan na ng lipunan. Si Bro. Eddie Villanueva ay nagpastor nga. Eh ano naman ang masama sa paglilingkod sa masa?
- Latest