Kasangga na ang MNLF?
MAY sagupaan na nagaganap sa Mindanao. MNLF laban sa Abu Sayyaf! Kaya todo-iwas ang militar sa gulo dahil hindi naman sila ang kalaban. Pero hindi ko maiwasang maisip na sana tuluyan nang mawala ang Abu Sayyaf. May kasabihan na ang kaaway ng aking kaaway ay aking kakampi. Kaya sa labanang ito, tila kasangga natin ang MNLF. May mga ulat na may pinugutan ng ulo mula sa panig ng MNLF. Istilo nga ng Abu Sayyaf ang pagpugot ng ulo, na ikinalungkot naman ng kumander ng MNLF, lalo na’t ang ibang Abu Sayyaf ay dati nilang kasama!
Hindi pa rin malinaw ang dahilan ng labanan, pero ang mga unang ulat ay sinalakay ng MNLF ang kampo ng Abu Sayyaf para iligtas ang Jordanian journalist na si Baker Atyani. Kung bakit gustong iligtas ay hindi pa rin malinaw. Tandaan na ang MNLF ay hindi sang-ayon sa isinagawang kasunduan sa pagitan ng gobyerno at MILF. Nagbanta ng armadong rebelyon ang MNLF kung matutuloy ang kasunduan. Mabuti at hindi pa nagaganap iyon, at hindi sangkot ang MILF sa gulo. Ang Abu Sayyaf naman ay mga terorista at kriminal, kaya wala akong pakialam kung ano ang gusto nila. Hindi ako malulungkot kung maubos na sila sa labanang ito.
Pero ganito talaga sa Mindanao. Ang paggamit ng armas at karahasan ang nananatiling solusyon sa lahat ng isyu at problema. Mabuti na lang at may kasunduan na ang gobyerno sa MILF, kung saan saklaw ang pagsuko ng armas. Bagamat hinihintay pang mapatupad ito nang husto, mabuti at may kasunduan na. Sigurado ako na pagod na pagod na ang mga mamamayan ng Mindanao sa labanan! Hapung-hapo na sila sa putukan, habulan at karahasan na nagaganap mula sa lahat ng panig. Kapayapaan ang kanilang nais, ang kanilang panaginip. Tapos mangyayari ito!
Huwag lang umapaw ang labanan na ito kung saan mapipilitang pumasok ang iba pang grupo, katulad ng AFP o MILF at gugulo lamang nang husto! Magandang development na tila tumutulong na ang MNLF para maubos na rin ang Abu Sayyaf. Pero mananatiling hindi sangkot ang AFP, pati na rin ang MILF. Titiyakin lang na hindi kumalat sa iba pang lugar sa Mindanao!
- Latest