Abandon ship
PEBRERO na at hindi pa rin natatanggal ang USS Guardian na nangudngod sa tanyag na UNESCO World Heritage Site Tubbataha Reef. Ang orihinal na plano ay magpadala ng mga malaking crane na sakay ng mga higanteng barko upang buhatin ang barkong pandigma. Sa ganitong paraan ay hindi na sasadsad pa ang Guar-dian sa maselang corals sa ilalim. Ang kaso’y imbes na maging solusyon ay baka makadagdag pa sa problema. Para makalapit ang cranes ay malamang kailangan din ng barkong may tangan dito na sumadsad sa coral reefs. Lalong lalala ang sira.
Sa ngayon ay pinanukala ng mismong Amerika na baklasin na lamang ang mga kumpuni ng barko at tanggalin lahat ng mabigat na gamit. Inisip nila marahiil na kapag mapagaan na ang barko (na gawa sa kahoy at fiberglass ang ilalim dahil ang trabaho nito’y magtanggal ng mga underwater mines o bomba) ay pwede na itong hilahin na lang o palutangin na gamit ay mga lobo o salbabida. Kung bubuhatin man ay maari nang gawin nang paunti unti imbes sa unang planong buhatin ng buong buo. Hindi na ito gagasgas pa sa maselan na coral sa ilalim. Aabutin ng mahigit isang buwan ang proseso. Hanga ako sa mga Kano kung ganito nga ang kanilang intensyon dahil patunay ito na mayroon nga silang malasakit sa likas yaman ng Tubbataha.
Hindi simpleng bagay ang planong ito ng Amerika. Ayon sa ulat, ang presyo ng USS Guardian kung pera pera lang ang pinag-uusapan ay $277 million o kulang kulang PhP11.3 Billion. Malaking kawalan din ito para sa US Navy. Tinawag ito na “serious blow to the US mine force†na higit na kailangan ngayon sa Persian Gulf bilang bahagi ng patuloy na US military operations sa rehiyon. Tinawag pa ngang “stupid†ni Donald Trump Jr. ang panukala.
Malaki ang magiging butas sa bulsa ng Amerika, subalit malaki rin ang aanihin nilang respeto sa mundo. Patunay ito na siryoso sila sa obligasyong pangalagaan ang kalikasan.
- Latest