Editoryal - May gun ban pero laganap ang barilan
PAANO pa kung walang gun ban? Bawal ang pagdadala ng baril ngayon dahil sa ipinatutupad na election gun ban. Nakalatag ang checkpoint ng Philippine National Police (PNP) para masigurong walang dalang baril ang mga motorista. Maingat na maingat ang mga pulis sa pag-check ng mga sasakyan at baka mayroon silang malabag. Pero sinisiguro nila na walang makakalusot na mga baril.
Kahapon, isang Canadian ang walang habas na namaril sa Palace Hall of Justice at tatlong tao ang napatay at marami pang nasugatan. Kabilang sa napatay ang isang doctor, abogado at prosecutor. Pagkatapos mamaril ay nagbaril din umano sa ulo ang Canadian.
Isang malaking katanungan kung paano naipasok ng Canadian ang baril na hindi na-detect ng guard. Ang pinangyarihan ng krimen ay laging maraming tao sapagkat dumadalo sila sa hearing. Ayon sa report, bawat masalubong ng Canadian ay kanyang binabaril. Marahil ay nataranta na sa maraming problema ang Canadian kaya naburyong. Sangkatutak umano ang kaso ng Canadian. Paano kung ang naipasok niyang armas sa loob ng Justice Hall ay mas malakas ang kalibre kagaya ng ginamit ng isang sira ulong lalaki sa Connecticut na pawang elementary students ang pinatay?
Kahapon din, isang babaing physical therapist ang nagreklamo sa Quezon City police makaraang pagbabarilin umano ng isang nakamotorsiklong pulis ang kanyang kotse dahil lamang sa simpleng away trapiko. Nangyari umano ang pamamaril sa South Triangle Quezon City. Tumakas ang suspect.
Noong nakaraang Huwebes, isang 26-anyos na public school teacher sa M’lang, North Cotabato ang binaril at napatay ng kanyang dalawang estudyante. Nakasakay umano sa kanyang motorsiklo ang guro papasok sa school nang harangin ng dalawang estudyanteng magkaangkas din sa motorsiklo at pinagbabaril. Dead on the spot ang guro. Umano’y hiniya ng guro ang dalawang estudyante habang nasa Citizens’ Army Training (CAT) session. Ang guro ang commandant ng CAT. Umano’y minsan nang nahuli ng guro ang dalawang estudyante nang magdala ng baril sa loob ng school.
Bawal daw ang baril ngayon dahil election period. Mungkahi namin na paigtingin pa ng PNP ang pagmanman dahil maraming baril na ginagamit sa kasamaan.
- Latest