Editoryal - Serbisyo ng mga guro sa May 13 elections
HINDI magiging kumpleto o magtatagumpay ang darating na May 13, 2013 elections kung wala ang public school teachers. Sa lahat nang election na naganap sa bansa, katulong ang mga guro. Kahit na nakasaad sa batas na tungkulin ng mga guro na tumulong sa panahon ng halalan, para sa kanila bahagi ito ng kanilang propesyon.
Maraming guro na gumagawa nang kahanga- hangang bagay magampanan lamang ang tungkulin sa election. Katulad nang ginawa ng guro na si Filomena Tatlonghari ng Talaga Elem. School, Mabini, Batangas noong May 1995 elections na sinikap protektahan ang ballot boxes para hindi ma-snatch ng mga armadong kalalakihan. Binaril siya at napatay. Katulad din naman ng ginawang kabayanihan ni Nelly Banaag ng Pinagbayanan Elem. School, Taysan, Batangas noong May 15, 2007 kung saan sinikap niyang protektahan ang mga balota nang sunugin ito ng mga umano’y pulis habang nagka-canvass. Kasamang nasunog sa school si Banaag at poll watchers.
Sina Tatlonghari at Banaag ay mga bayani.
Abala ngayon ang Commission on Elections (Comelec) sa paghahanda sa May 13 elections. Sa ngayon ay nakatutok ang kanilang atensiyon sa election gun ban. Abala rin sila sa paghahanda sa gagamiting machines. Patuloy din ang pagdinig nila sa nadiskuwalipikang party-list candidates.
Noong nakaraang linggo, sinabi ng Department of Budget and Management na ni-release na nila ang P4-billion savings ng Comelec. Nakalaan umano ang bilyong pisong savings sa pagbili ng hardwares at pambayad sa mga magsisilbing guro sa elections. Tinatayang mahigit 200,000 guro ang magsisilbi sa elections.
Tanong namin kay Comelec chairman Sixtio Brillantes, sa gitna ba ng kanyang kaabalahan ay sumagi sa kanyang isipan ang papel na gagampanan ng mga guro. Kung hindi pa, dapat niyang malaman na sa mga nakaraang election ay maraming guro ang hindi agad nakatanggap ng kanilang honorarium o poll duty pay. Binitin-bitin pa ang bayad sa kanila. Marami sa kanila ang gumastos sa pamasahe, pagkain, inuming tubig at iba pa sa akalang madali itong mare-reimbursed. Hindi pala!
Kawawa ang mga guro kapag hindi naalala sa darating na election.
- Latest