^

PSN Opinyon

‘Mga Dila ng Apoy

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

PARANG MGA BULKAN…naglalabas ng maiinit na lava ang tatlong bibig na nagbabangayan.  Ang mga bata sa paligid na nakakarinig ang napapaso at unti-unting nilulusaw.

Nagsadya sa aming tanggapan si Irene Balmes, 37 anyos ng Rodriguez Rizal.

Kasong RA 7610 Child Abuse at Slander (Oral Defamation) ang inilalapit niya sa amin. Inirereklamo niya si Teresita Galvez at ang anak nito na si Bryant Galvez.

“Mabaho raw ang p^&I ko at maitim daw ang singit at kung sino- sino na raw ang gumalaw sa akin”.

Yan daw ang mga katagang sinabi ng mag-ina kay Irene na tumatak at nakaapekto sa kanya. Matapobre raw ang mga ito kaya gusto niyang mabigyan ng leksyon. Masyado na raw silang inaalipusta ng mag-anak.

Iniyakan daw ng kanyang anak ang mga pinagsasabi nila Teresita laban sa kanila. “Kung hindi ako lalaban ay baka hindi lang kami ang ganunin, sabi ni Irene.

Ika- 18 ng Mayo 2012, narinig daw niya si Bryant na nagsasalita sa mga bata  na nagdidribol ng bola, “Huwag ninyong idribol ang bola! Natutulog ako”.

Nagulat raw ang mga bata kaya nagtanong siya kay Bryant kung masama bang maglaro ang mga bata samantalang nasa tapat naman ito ng kanilang bahay.

“Nakakaintindi ka ba. nakikiusap ako! Hindi mo ba narinig? Bobo ka pala eh! Tanga ka kasi! Iskwater!”, sabi umano ni Bryant sa kanya.

Dun na daw biglang nagsalita si Teresita ng. “P*79 ng Ina mo! Maitim ang singit bulok na yung ano mo”.

Nasaktan daw ang anak niya na tinago namin sa pangalang “Roland” at pinagtanggol siya kaya nagpasya si Irene na itigil na ang pagbubulyawan nila.

Sumigaw umano si Teresita ng, “P8+@7g *9a mo wala kang respeto sa matanda! Pati ikaw nakikisali”.

Sumagot daw si Roland ng “Bakit ko kayo irerespeto eh yung anak ninyo nga walang respeto sa mama ko!”.

Pinapasok na ni Irene ang anak sa loob ng bahay upang di na lumala ang gulo. Doon na raw ito umiyak. Tumawag sa skype at nagsumbong sa amang OFW.

“Pinagtulungan nila akong mag ina kaya yung iba nilang sinasabi hindi ko naintindihan ang mga anak ko lahat ang nakarinig kaya sila ang apektado”, sabi ni Irene. 

Mula raw noon hindi na raw naglalabas ang anak niya ng bahay.

Ang isa naman niyang anak hindi raw kinaya ang mga narinig kay tumakbo sa bahay ng kanilang mga kamag- anak.

Ayon kay Irene napa barangay na raw noon si Teresita sa pagsasalita rin daw noon ng hindi maganda. Wala raw itong kadala dala.

Ayon sa kopya ng salaysay ng kabilang panig na si Bryant ­umaga daw ng ika- 18 ng Mayo 2012, nagising siya ng may narinig na sobrang ingay sa tapat ng kanilang bahay.

Masama raw ang pakiramdam niya noon kaya lumabas siya sa terrace ng kuwarto. Nakita niya ang mga bata na naglalaro ng bola.

Pinagsabihan daw niya ang mga ito ng, “Baka puwedeng huwag kayong magharutan sa tapat ng bahay at huwag idribol ang bola dahil may natutulog pa dito. Masakit sa ulo!”.

 Lumingon daw si Irene at sinigawan daw siya, “Hoy! Bakit mo pinagbabawalan ang mga bata! Ikaw ba ang may ari ng kalsada? Bakit prinsipe ka ba? Hindi ka ba puwedeng mabulabog?

Sumagot daw si Bryant, “Kaya nga ho nakikiusap!”,

Nainis daw si Irene at muling sumagot. ‘Hindi mo sila puwedeng pagbawalan dahil tapat naming at saka public yan kaya wala kang karapatan na magsaway”.

Nagpanting daw ang tenga ni Bryant kaya sinagot nito na, “Nag aral ka diba’ kaya nga naikikiusap yung tao! Hindi ka nakakaintindi”.

Sakto naman daw na nasa labas noon ang ina niya na si Teresita para bumili ng ulam. Nagsalita raw ito ng, “Sabi ko na sa inyo huwag kayo masyadong maingay kasi may natutulog pa”,

Sumabat daw muli si Irene at sinabing “Hoy! Hindi mo kaila­ngan pagsabihan ang mga bata. Bakit nabili ninyo na ba itong kalsada?”.

Ang punto raw ni Teresita ay masakit naman talaga sa ulo ang bola. “Wala kayong pakialam kaya huwag ninyo kami pakialaman. May asawa ka nga di ka naman ginagalaw dahil  kulubot ka na at mabaho pa ang ano mo!”, bigla raw sabi ni Irene.

Bigla raw lumabas ang anak ni Irene na si Roland at sinabing, “Hoy matandang kulubot huwag mong inaano ang mommy ko! Hoy Ikaw Bryant bumaba ka dito”.

Dahil daw dito ay agad silang nagpunta sa barangay. Sa paniwala ni Irena ay naapektuhan ang kanyang anak kaya nagsampa siya ng kasong RA 7610 Child Abuse at Oral Defamation.

Ang inilalapit niya sa amin ay ang mabagal na paglabas ng resolusyon sa Rodriguez Rizal kaya nagsadya na siya sa amin.

Itinampok namin ang istoryang ito sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 – 4:00 ng hapon).

Makalipas ang ilang araw ay bumalik sa amin si Irene dala ang kopya ng Resolution. Dismiyado siya dahil na ‘Dismissed’  ang kasong RA 7610 Child Abuse dahil sa ‘lack of probable cause’.

Humihingi ng payo sa amin si Irene kung anong legal na hakbang ang gagawin para umapila sa desisyon ng Korte.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, ilang beses na rin na­ming nasabi sa na kailangan patunayan sa taga usig na ang bata ay naapektuhan ‘psychologically’ at ito’y dadalhin niya hanggang sa kanyang paglaki ang trauma na yun.

Walang maipakitang psychological report’ si Irene, isa sa dahilan kung bakit na dismissed ang kaso.

Dahil sumagaot din ng hindi magandang salita ang anak ni Irene kaya pinagalitan ito ni Teresita. Pareho lang silang nagbatuhan ng mga maanghang na salita. Malungkot na dalawang bibig ang kalaban ni Irene pero ang taga usig ay nakikita ito bilang isang ‘simple slander’.

Napakahirap na patunayan na may RA 7610 sa away magkakapit bahay. Kung hindi sang ayon si Irene sa resolusyon ng Prosecutor, ang dapat niyang gawin ay mag file ng ‘Motion for Reconsideration’.

Huwag nating kaladkarin sa korte ang ating mga anak kung saan mas traumatic para sa kanila ang maharap sa hukom.

 (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166, 09213784392 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

Follow us on twitter: Email: [email protected]

 

ANAK

BRYANT

DAW

IRENE

KAYA

RAW

TERESITA

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with