2 patay na bata
SA Amerika, marami ang nagalit sa pamamaril ng 26 na tao sa isang paaralan. Dalawampu sa mga biktima ay mga bata, edad anim at pito. Kaya mainit na naman ang diskusyon at debate ukol sa dali ng mga sibilyan na makabili ng mga malalakas na baril. Dito sa atin, dalawang bata na ang namamatay, hindi dahil may sira-ulo na basta namaril na lang ng tao, kundi dahil may mga sira-ulo na gusto lang magsaya noong bagong taon! Ang mga namatay ay sina Rangelo Nimer, 5, at Stephanie Nicole Ella, 7.
Nahuli na ang bumaril kay Rangelo. Sumpak ang ginamit. Hindi raw sinasadya na mabaril ang bata. Eh bakit siya may sumpak na dala? Hindi ba bawal ‘yan? Kung wala siyang dalang sumpak, kahit gumulong-gulong pa siya kapag nadapa o nadulas ay hindi mababaril si Rangelo! Mahirap na nga hanapin ang mga baril na hindi lisensyado, may sumpak pa na dapat na ring hanapin ng mga otoridad!
Bakit nga ba mga bata ang laging mga biktima ng mga ligaw na bala? Bakit hindi natatamaan ang mga kriminal na hindi pa mahuli ng batas? O kaya mga masasamang tao? Mga talamak na tiwaling opisyal? Bakit ba mga inoÂsenteng bata ang natatamaan? Ngayon, pinag-uusapan ang mas mahigpit at mas mabigat na parusa para sa mga mahuhuling nagpapaputok ng baril nang walang dahilan, katulad ng bagong taon. Dahil bata na ang natamaan? Hinintay na naman may mabibiktima bago maisip na higpitan ang batas! Anong kunswelo niyan sa mga magulang at kapamilya ng mga batang biktima?
Baril at paputok. Mga peligrosong pamamaraan para ipagdiwang ang pagpasok ng Bagong Taon. Ewan ko talaga kung may magagawa pa ang gobyerno para wala nang maging biktima ng mga ito, at napakalalim na ng tradisyon ng kalokohan sa Pilipinas! Maghihintay na lang ulit tayo ng bagong biktima sa susunod na Bagong Taon, para makaporma na naman ang ilang pulitiko diyan. Ilang taon nang pinag-uusapan ang paghigpit sa mga gumagawa ng iligal na paputok, at ang pagbabawal magpaputok ng baril sa tuwing Bagong Taon. Pero nandiyan pa rin ang mga biktima para patunayan na walang saysay ang kanilang mga plano.
- Latest