Hinaing sa Zambales: Huwag matulad sa Compostela Valley
LUMIHAM si mambabasa Rose Amorsola, Infanta, Pangasinan: “Ito po’y hinaing ng aming kababayan. Sa port dito sa Barangay Cato dinadala ang minerals mula sa Sta. Cruz, Zambales. May kinalaman daw ito sa pagbaril-patay sa aming Mayor Ruperto Martinez sa harap ng maraming tao. Sira na ang bulubundukin ng Sta. Cruz dahil sa pagmimina. Sang-ayon po kami sa development. Pero kung ito ay magpatuloy sa loob ng sampung taon, tiyak mawawala na ang kabundukan. Malamang mangyari sa amin ang sinapit ng Compostela Valley.”
Batay sa news reports, binaril si Mayor Martinez nu’ng Sabado, Disyembre 15, at nahuli ang dalawang umano’y assassins kinabukasan. Pinatay daw siya dahil sa plano niyang lakihan ang port sa Infanta para mag-transport ng nickel mula sa Karatig na Sta. Cruz. Ayaw kasi umano ni Mayor Luisito Marty ng Sta. Cruz na dumaan sa port sa bayan niya ang mapanirang nickel ores.
Maraming minahan ng nickel sa kabundukan ng Sta. Cruz. Umaangal ang mga magsasaka doon dahil sa polusyon. Namumula na ang tubig ilog, at nalalason ang mga hayop at bukirin. Palusot ng mga minahan na dahil daw sa ulan kaya bumubulwak ng putik mula sa bundok. Pero ebidensiya mismo ng polusyon ang pagpapabaya ng mga minero na tumapon ang asido na nagpapapula ng lupa at tubig.
Kung hindi aksiyunan ni Ennvironment and Natural Resources Secretary Ramon Paje ang problema, masasabing pabaya nga talaga siya. Kaya mahigit isang libo katao ang pinatay ng Typhoon Pablo sa Compostela Valley nitong nakaraang linggo ay dahil sa walang humpay na illegal mining at logging doon, at sa mga karatig na probinsiya ng Davao Oriental at Surigao del Sur. Natabunan sila ng baha at putik.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest