Oo, Virginia, totoo si Santa Claus (1)
“MERON po ba’ng Santa Claus?” lumiham si Virginia O’Hanlon, 8, sa New York Sun, nu’ng 1897. “Sabi kasi ng mga kalaro ko, hindi raw siya totoo. Ano po ba talaga?”
Tumugon si editor Francis P. Church. At ito’y naging pinaka-reprinted na editorial sa kasaysayan ng pamamahayag. Isinalin:
“Virginia, mali ang mga kalaro mo. Nadadala sila sa pagdududa ng dudosong panahon. Hindi sila naniniwala maliban sa nakikita nila. Para sa kanila hindi maari kapag hindi nagagagap ng kanilang munting isip.
“Lahat nang isip, Virginia, ng matanda man o bata, ay munti. Sa ating malawak na sanlibutan, langgam lang ang tao sa pag-iisip, kumpara sa kawalang-hanggan, upang unawain lahat ng katotohanan at kaalaman.
“Oo, Virginia, merong Santa Claus. Nariyan siya, kasing tiyak na nariyan ang pagmamahal at kagandahang-loob, na alam mo’ng mayabong at nagbibigay sigla’t ligaya sa iyo.
“Sayang! Ano’ng panglaw ng mundo kung walang Santa Claus! Kasing-panglaw ng mundo na walang mga Virginia. Walang inosenteng pananalig, walang mga tula, walang pag-ibig na nagpapagana sa buhay. Wala tayong ikagagalak, maliban sa nalalasahan o natitingnan. Ang liwanag ng buhay, na taglay ng pagkabata sa mundo, ay mapapawi.
“Wala raw Santa Claus! E di huwag na rin maniwalang may mga diwata. Sabihan kaya ang ama mo na umupa ng mga magbabantay sa lahat ng tsimeneya sa Bisperas ng Pasko para mamataan si Santa Claus, ngunit ano ang mapapatunayan kung hindi man makitang bumababa si Santa Claus?
“Walang nakakakita kay Santa Claus, ngunit hindi ibig sabihi’y walang Santa Claus. Ang mga pinaka-totoong bagay sa mundo ay yaong hindi nakikita ng mga musmos man o matatanda....”
(Itutuloy bukas, Pasko)
- Latest