Editoryal - Bus segregation sa EDSA
MARAMI nang naging MMDA chairman pero ni isa ay walang nagtagumpay para mapaluwag ang trapiko. Sa halip na bumilis, lalo pang nag-usad pagong ang mga sasakyan dahil sa trapik. Kung anu-anong eksperimento ang kanilang ginawa pero walang epekto.
Sa lahat nang mga naging MMDA chairman, si Francis Tolentino ang maraming naiisip na paraan kung paano paluluwagin ang trapik. Hindi siya nauubusan ng ideya. Ang bagong naisip na paraan ni Tolentino ay ang bus segregation scheme. Sinimulan ang bus segregation noong Martes. May kanya-kanyang designated bus station sa EDSA. Lahat nang bus ay may marking A, B at C. Lahat nang A ay may nakalaang station. Ang B ay ganoon din. Ang C ay para sa lahat o puwedeng magsakay at magbaba.
Ayon kay Chairman Tolentino, hindi na mag-aagawan ang mga bus sapagkat may sari-sarili na silang station. Dapat lang daw kabisaduhin ng mga pasahero ang bus na kanilang sasakyan para hindi mapalayo sa kanilang babaan. Dapat daw malaman ng pasahero kung ano ang marking ng bus na sinakyan. Sa simula lang daw ito nakalilito pero kapag araw-araw nang sumasakay at bumaba sa may marking na bus, madali nang makakabisado.
Ang isang maganda sa eksperimentong ito ng MMDA, ang mga colorum na bus ay hindi papapasukin sa mga may marking na station. Lahat lamang ng mga bus na legal ang prankisa ang maaaring magsakay at magbaba sa marking station. Madali umanong makikilala ang mga bus na colorum sapagkat wala silang marking.
Maganda ang bus segregation scheme at maaaring ito na ang solusyon sa grabeng trapik sa Metro Manila particular na sa EDSA. Mga bus ang pangunahing dahilan kaya may trapik sapagkat baba rito, baba roon, sakay dito, sakay doon ang ginagawa. Walang pakialam kung magkabuhul-buhol ang trapik.
Kapag nagtagumpay si Tolentino sa bago niyang ideya, siya na ang pinaka-mahusay sa lahat nang naging MMDA chairman. Hindi siya malilimutan at kahit kailan ay sasambit-sambitin ang kanyang pa-ngalan na nakalutas sa malubhang trapik sa EDSA.
- Latest