Respeto lang mula sa horse owner/trainer
NAKAKAPANGHINAYANG ang modernisasyon na isinusulong ni Philippine Racing Commission (Philracom) chairman Angel Lopez Castaño Jr sa dalawang karerahan ng bansa kung mismong mga horse owner at trainer ang ayaw magbago sa kanilang kinaugalian. Bigyan naman sana ng dignidad ng mga horse owner at trainer ang imahe ng pakarera sa bansa upang makahikayat ng mga bagong mamumuhunan at negosyante. Ito ang panawagan ng mga karerista matapos magpalabas ng kanilang puna sa kawalang paggalang nang marami sa sector ng mga horse owner at trainer lalo na sa araw ng mga malalaking pakarera sa dalawang pangunahing karerahan sa Cavite.
Ang kawalan ng respeto ng ilang horse owner at trainer ang nagiging dahilan ng mababang pagtingin sa industriya particular na sa pagtanggap ng award sa mga malalaking pakarera na ginaganap sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona at Santa Ana Park sa Naic, Cavite. Bagamat may pinatutupad na dress code ang Philracom sa dalawang karerahan lalo na sa pagtanggap ng award ay hindi naman ito sinusunod. Pawang naka-t-shirt lamang na may Good Morning towel pa sa balikat ang inuutusan ng mga horse owner na tumanggap ng award.
Hindi ko na pangangalanan kung sinu-sino ang mga ito dahil pawang mga walang sentido kumon ang mga ito at hindi pinahahalagahan ang kanilang natatanggap na karangalan. Maging ang pamunuan ng Philracom ay dismayado sa mga inaasal ng ilang horse owner at trainer dahil sa hindi pagsunod sa dress code sa mga isinasagawang awarding ceremonies. Katunayan, mahigpit na ipinag-utos ni Chairman Castaño sa lahat ng kanyang director ang pagtupad ng pormal sa mga pagbibigay ng karangalan sa mga horse owner, hinete at trainer, gaya ng pagsusuot ng Barong Tagalog o Amerikana.
Panahon pa ni dating Philracom Chairman Jaime Dilag at Commissioner Eddie Jose ipinalabas ang pagpapatupad ng dress code subalit nagmistulang dekorasyon lamang ang nasabing kautusan. Hindi ko malaman kong nagmamatigas lang ang mga horse owner at trainer sa hindi pagtupad sa dress code o baka naman nais lamang nilang ipakita sa sambayanan at sa mga dayuhan ang kawalan nila ng respeto sa kanilang sarili.
- Latest