Editoryal - Paghihigpit sa pagmamay-ari ng baril
KARUMAL-DUMAL ang nangyaring pagpatay sa 27 tao karamihan ay mga bata sa Newtown Connecticut, , USA noong Biyernes. Biglang dumating ang gunman sa eskuwelahan hawak ang assault rifle .223 caliber Bushmaster at niratrat ang isang section ng mga bata na ang edad ay anim hanggang pitong gulang. Sa 20 bata na niratrat, isa lamang ang nakaligtas pero matindi rin ang mga tama nito sa katawan. Kabilang sa mga napatay ang teacher ng mga bata, principal at psychologist.
Ang gunman ay nakilalang si Adam Lanza, 20-anyos. Isang malaking misteryo pa rin kung bakit nagawa ni Lanza ang ganoong krimen. Ayon sa report, mahiyain ang gunman at hindi aakalain na sa kabila nang pagiging tahimik nito ay demonyo pala ang namamahay sa utak. Ayon sa mga pulis, bago nagtungo sa school ang gunman, pinatay muna niya ang kanyang ina. Malapit lang umano ang bahay ng gunman sa school. Nalaman ng mga pulis na ang baril na ginamit sa pagpatay ay nakarehistro sa pangalan ng ina ng gunman.
Sa madugong nangyari, binubuhay ngayon sa US ang paghihigpit sa pagmamay-ari ng baril. Masyado umanong maluwag ang pagmamay-ari ng baril doon. Dapat ay magkaroon na nang paghihigpit sapagkat sunud-sunod na ang mga nangyayaring madudugong krimen at pawang sa school nagaganap. Noong 2007, isang lalaki ang namaril sa Virginia Tech University at 32 ang na-patay. Noong 1999, isang lalaki rin ang namaril sa Columbine High School at 15 ang napatay.
Hindi lamang sa US may mga nangyayaring madudugong krimen na ang gamit ay baril. Dito sa bansa, maraming krimen na nagaganap araw-araw at baril ang ginagamit. Hindi rin kontrolado ang pagmamay-ari ng baril. Ayon sa PNP, maraming baril ang hindi rehistrado at karamihan ay matataas ang calibre. Isa sa pinakamadugong krimen sa bansa ay ang Maguindanao massacre kung saan 57 tao ang niratrat noong Nob. 23, 2009. Pulitika ang dahilan ng masaker. Ngayong papalapit ang elections inaasahang dadami ang krimen na ang sangkot ay baril.
Maaaring mangyari kahit saan ang mga pagpatay gamit ay baril. Ang solusyon, kontrolin ito. Maghigpit sa pagbibigay ng lisensiya. Kumpiskahin ang loose firearms.
- Latest