Doble-karang Tsina kaharap ng mundo
PAULIT-ULIT ang Tsina sa kanyang umano’y pakay. Ma payapang pag-angat ng ekonomiya lang daw ang inaatupag niya, hindi pakikidigma kanino man. Kaya lang daw niya pinalalakas ang kanyang kakayahang militar ay upang ipagtanggol kuno ang kanyang lumalaganap na ekonomiya sa iba’t-ibang bahagi ng mundo.
Mahirap paniwalaan ito, lalo na para sa Vietnam at Pilipinas sa Southeast Asia, at sa Russia, Korea at Japan sa North Asia. Ang limang bansa na ito ang nakakatagisan ng Tsina sa samu’t-saring territorial disputes. At ilang beses nang nauwi ang tagisan sa madudugong enkuwentro. Noong 1988 niratrat ng machinegun ng Chinese Navy ang 64 hindi armadong Vietnamese sailors sa Spratlys. Nito lang sa magkahiwalay na insidente ay binunggo ng mga lantsang pangisda ng Tsina ang Coast Guard vessels ng Korea at Japan, na nauwi sa pagkamatay ng mga kapitan. At napilitan paputukan ng Russian Coast Guard ang mga namasok na mangingisdang Tsino sa teritoryo nila. At sa gusot tungkol sa Scarborough Shoal, ilang ulit nang nanakot ang mga admiral ng Tsina na gagamit sila ng dahas.
Doble-kara rin ang Tsina sa larangan ng legal na usapan. Binabatikos niya ang Pilipinas sa umano’y maling interpretasyon ng UN Convention on the Law of the Sea. Makasarili at baluktot kuno ang pag-angkin ng Pilipinas sa Scarborough, Recto Bank, Sabina Shoal, at iba pang mga bato’t bahura sa South China Sea na malapit sa Luzon at Palawan. Pero tuwing hahamunin ng Pilipinas ang Tsina na ipalutas ang gusot sa International Tribunal on the Law of the Sea, umaayaw ang Tsina. Dinadaan niya sa laki kumbaga, hindi sa wastong argumento sa ITLOS bilang husgado. Hay naku!
* * *
Abangan ang Sapol sa radyo, tuwing Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). Lumiham sa [email protected]
- Latest