Payo sa mga buntis
SA aming programa sa radyo sa DZRH, naging panauhin namin si Dr. Pete Crisostomo, isang tanyag na Obstetrician at Gynecologist ng De La Salle-UMC Hospital sa Dasmariñas, Cavite.
Heto ang mga napakahalagang payo ni Dr. Pete Crisostomo:
1. Sa unang 3 buwan ng pagbubuntis, kumain ng pagkain na mayaman sa Folic Acid. Ang folic acid ay tumutulong sa pag-iwas sa sakit sa utak, spinal cord at ugat (nerves) ng mga sanggol. Kapag nakakita kayo ng batang may bukol sa bandang ulo, batok o puwitan, posibleng dahil ito sa kakulangan ng bitamina ng nanay. Ang folic acid ay matatagpuan sa mga patatas, beans, peanut butter, ma-berdeng gulay tulad ng kangkong, malunggay, pechay at talbos ng kamote. Kumain ng 3 tasang gulay bawat araw.
2. Hangga’t maaari, huwag muna uminom ng kahit anumang gamot habang buntis. May mga side effect ang mga gamot na puwedeng makasama sa sanggol. Magtanong muna sa doktor.
3. Sa huling 3 buwan (mula 6 hanggang 9 na buwan), damihan ang mga pagkaing mataas sa Calcium at Iron. Sa mga panahong ito, kailangan ng sanggol ang maraming calcium (sa paggawa ng buto ng bata) at iron (sa paggawa ng dugo). Ang calcium ay makukuha sa gatas, yogurt, ice cream, keso, malunggay, dilis at sardinas. Ang iron naman ay matatagpuan sa atay, spinach, maberdeng gulay at sardinas din.
4. Maghintay ng 3 taon bago magbuntis muli. Malaking stress ang pagbubuntis sa nanay. Lahat ng pagkain, sustansya ng bata ay kinukuha sa nanay. Kaya nga ang mga nanay na maraming anak ay marurupok na ang buto at nagiging anemic pa. Para maka-recover ang iyong katawan sa pagbubuntis, maghintay ng 3 taon bago sundan si beybi. Magplano ng pamilya.
5. Magbuntis bago mag-35 ang edad. Tunay ang kasabihan, “Kapag ika’y nagbubuntis, ang iyong isang paa ay nasa libingan na.” Totoo po ito, dahil hindi biro-biro ang pagbubuntis. May mga komplikasyon ang panganganak na puwedeng mamiligro ang buhay ng ina at sanggol. Kapag ang nanay ay lampas na sa edad 35, mas mahirap na ang pagbubuntis at tumataas na rin ang mga sakit tulad ng Down’s syndrome sa bata.
Tandaan, kumain ng tama, matulog ng mahaba at umiwas sa mga bisyo. Sa mga buntis, magpatingin ng maaga sa inyong doktor. Napakahalaga ng pre-natal check-ups para sa mga buntis!
- Latest