^

PSN Opinyon

“Kasal gawa sa impyerno”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

ANG sugat na ginusto mo, ‘wag kang magreklamo kapag ito’y kumirot…kaya’t di naman siya natakot nang siya’y napaibig sa isang taong matatawag niyang halimaw.

Ito daw ang uri ng lalakeng minahal ni Ma. Emilia “Emy” Dullano. Biyuda…sa asawang tatlong dekada ang tanda sa kanya.

Maagang naulila ang apat na anak ni Emy, matapos mamatay ang mister dahil sa komplikasyon sa sakit na ‘diabetes’.  Pagiging isang ‘janitress’ at ang pagpapaupa sa kaisa-isang napundar na bahay ang naisip niyang paraan para buhayin ang mga anak.

Dito niya nakilala ang noo’y 27 anyos na construction worker. Si ‘Charlie’, kanyang ‘border’.  “Hindi ko kinakahiya na isang dekada at kalahati ang tanda ko sa kanya dahil sa pag-ibig walang matanda at bata!” anya ni Emy.             

Si Emy at naunang asawa na si Justiniano ay pinagkasundo lang ng step mother na si Maria. Biyudo si Justiniano, may 7 anak kaya’t aminado si Emy nung una ‘di niya ito gusto.

Kakaiba daw ang kay Charlie. Lumaki ang kanyang paghanga sa lalake ng makita ito habang hawak ang walis at batya…isang tag-ulan.

“Naglilimas siya ng bahay kasama ang mga anak ko, bigla ‘kong kinilig. Yun ang kahinaan ko, lalakeng magaling sa bahay,” wika nito.

Habang pinipigil ni Emy ang nararamdaman kay Charlie, mas napapalapit naman ang mga anak sa lalake. Lalo na ang bunso.

“Uuwi akong magkatabi na sila sa pagtulog si Alex. ‘Pag nakikita kong ganito, mas minamahal ko siya ng palihim,” anya ni Emy.

Ano mang pag-iwas ang gawin ni Emy, si Charlie na mismo ang lumalapit sa kanya. Nung minsan, kinausap si Emy ng isang border. Pag-amin nito, “Alam mo bang gusto kang ligawan ni Charlie?”

Mabilis na kinumpronta ni Emy ang border, “Charlie, ano ba itong sinasabi mong liligawan mo ko?!” mataray na sabi ng landlady.

“Gusto kita Emy, magtatapat ako sa mga anak mo…” wika ni Charlie.

Lumiwanag ang mukha ni Emy, napalitan ang kilig ang noo’y kunot niyang kilay. Mabilis ang pangyayari. Kung paano nila pinigilan ang nararamdaman ganun nila pinanggigilan ang isa’t isa. Nagtalik sila agad.

Nagdalawang isip si Emy sa simula, sinubok niyang itigil ang kanilang relasyon. “Mali ito, mas matanda ako sa’yo!” sabi ni Emy.

“Teka! Hindi! Pinagdasal ko ito! Magpakasal tayo!” pag-aya ni Charlie.

Sa kasalang bayan ang bagsak ng dalawa, taong 1999. Si Charlie  at Ate Emy noon… Sila “Tay” at “Mi” na ngayon.

Mabilis na nabuntis si Emy. Bago pa ipanganak ang kanilang panganay lumabas na ang pangil ng asawang nagpapanggap lang daw palang santo. Kapag lasing ang mister, nagsasalita ito… “Mi, alam mo ba? Galing akong beerhouse.  May bagong dating dun, maganda, bata dinala ko sa biglang liko… kaso ang dami pa lang peklat!” kwento daw ng mister.

Inintindi ito ni Emy. Marahil sabik daw ito dahil buntis siya’t ‘di ito makapatong sa kanya.

Nang ipinganak niya si “A.J”, buwan ng Hunyo 2000, mas lumala ang ugali ng mister. Nakulong na daw ito matapos maghabol ng itak sa beerhouse.

Hindi dito natapos ang pagwawala ni Charlie. Pati anak niyang dalaga pinag-interesan umano nito. 

“Ma, si Ate kung di sumigaw na-rape na ni Tatay!” sumbong daw  sa ina.

Ayon daw sa anak, naka-idlip siya sa kwarto habang inaalagaan si A.J nagising na lang siya nakapatong si Charlie habang siya’y pinaghahalikan.

Kinumpronta niya ang mister. Humingi ito ng dispensa, “Lasing lang ako Mi…” paliwanag nito. Tulad ng dati inintindi siyang muli ni Emy.

Hindi natapos dito ang umano’y pagnanasa ni Charlie. Lahat ng manliligaw ng anak inuupakan niya. Walang sinisino maging kapatid ni Emy nakatikim rin ng bugbog. Dito na sila nag-barangayan.

Umalis si Charlie ng bahay at umupa sa Guadalupe. Hindi maiwan ni Emy ang mister, kada Sabado at Linggo bumbisita sila ni A.J.

Taong 2005, nagsimulang mag-abroad si Charlie. Inakala ni Emy na magkakadireksyon na ang buhay nito subalit gaya ng dati isa pa rin siyang lasenggo. Sa sobrang inom sinugod ito sa ospital matapos ma-‘comatose’.

Lumipas ang mga taon, Yr. 2010, namalagi si Charlie sa bahay ni Emy. Siya na ang nag-alaga sa mga bata.

Pati ang apo niya, minanyak umano ng mister.  Habang nag-iinuman nakita ng kanyang manugang na ipinasok umano ni Charlie ang kamay sa loob ng short ng bata. Nang tanungin ni Emy ang mister palusot daw nito, “Kinukurot ko lang ang puwet niya!”

Ipapa-barangay pa lang nila ito, inunahan na sila ng layas. Tumuloy si Charlie sa Laguna. Si Emy ay parang linta na ayaw kumawala sa balat na nakapitan, pinili pa rin makasama si Charlie. Bumili sila ng bahay sa Harrison.

Buwan ng Enero 2011, nadulas si Emy habang namamalengke. Kinailangan itong lagyan ng bakal. Apat na buwan siyang ‘di nakalakad.

Nagpaalam si Charlie na ipaparenta ang bahay sa tatlong babaeng magkapatid, masahista sa isang Korean Massage. Hindi pumayag si Emy.

Nung nakalakad na ang misis, sinurpresa niya ang mister. Mga bra at panty na ang sumambulat  sa kanya. Natuloy daw ang pagrenta. Hindi na naniwala si Emy, may nakapagsabi sa kanyang ang isa sa mga borders ang babae umano ng mister… isang nagngangalang ‘Annabel’.

Sa sama ng loob umalis si Emy sa bahay. Pilit nakikipag-ayos si Charlie subalit gasgas na ang mga palusot nito.

March 2012, muli niyang binisita ang mister. Pagdating dun, itim na ang dingding. Abo na ang kasangkapan. Natupok na pala ng apoy ang kanilang tahanan. Nang tanungin niya ang mga kapitbahay kung nasaan ang mister… “Wala si Charlie… nanganganak ang asawa niya ng magkasunog…”

Kasalukuyang taon, binalita na lang ni Charlie na pupunta siyang Africa. Iniwan nito ang isang ATM, at sinabing idederetso dun ang padala. Halagang Php5,000 ang natatanggap ni Emy. Mababa sa Php45,000 na sahod ng mister.

Nitong huli, na-ospital ang kanilang anak. Hiningan niya ng pera ang mister subalit sagot nito. “Wala pa akong pera. Pag-uwi ko bibigay ko sa’yo pati medicard ko!” Ito ang nagtulak sa kanyang magpunta na sa amin.

Itinampok namin siya CALVENTO FILES sa radyo. “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 KHZ (Lunes-Biyernes 3:00-4:00PM at Sabado 11:00-12:00NN).

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, isa si Emy sa mga padami ng padaming babaeng sa halip na kasuhan ang mga mister na gaya ni Charlie, papatawarin lang sila matapos amuhin. Para kay Charlie, kung ganyan na talaga ang ugali mo darating ang panahon na sasabit ka rin. Ikaw naman Emy, dapat ka rin sisihin dahil inuuna mo ang sarili mong kaligayahan sa halip na ipagtanggol mo ang iyong anak at apo. Umayos ka! Ang importante ngayon ang sustento ng inyong anak, yan ang a­ming aasikasuhin. (KINALAP NI MONIQUE CRISTOBAL)Ang aming numero 09213263166(Aicel) 09198972854 (Monique) 09213784392 (Pauline). Landline 6387285 at 24/7 hotline 7104038. Address: 5th floor CityState Centre bldg. Shaw Blvd.,Pasig.

vuukle comment

ANAK

CHARLIE

EMY

MABILIS

MISTER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with