Bonifacio: Ang imposibleng tao
WALANG ibang makakagawa ng ginawa ni Bonifacio upang dakilain ang ating lahi. Kinailangan natin ang taong katulad niya upang ilaan ang kinakailangan para sa tagumpay ng ating Rebolusyon. Mabuti na lang tapos na ang tungkulin niya nang siya’y mamatay. Imposibleng tao siya.”
’Yan ay sinulat ni Clemente Zulueta, isang nagwaging Katipunero na galit kay Andres Bonifacio dahil pinagbintangan siya nito na “ahente ng Hesuwita.” Pero, ani historian Carmen Guerrero-Nakpil, ‘yan din ang kapani-paniwalang pagsasaad sa katauhan ng nagtayo ng Katipunan.
Dalawa ang kahulugan ng “imposible” sa wikang Kastila. Una, masungit, mahirap pakibagayan. Ikalawa, kahanga-hanga, mapang-akit. At sino pa kaya kundi ang isang kakaibang tao na katulad ni Bonifacio ang magtatayo ng kauna-unahang kilusang pangkasarinlan sa Asya? Sino pa ang makahihimok sa 30,000 tao (100,000, anang mga Kastila) na dumaan sa ritwal ng pagsapi, at ilaan ang kalayaan at buhay para sa simulain, tanong ni Guerrero-Nakpil?
Imposibleng tao lang ang makakapag-papasama sa una’y 1,000 katao mula Diliman, na sinalihan ng mas marami pa mula Marikina, Mandaluyong, Santolan, at San Juan para -- bagamat gutom at armado lang ng mga itak, sibat na kawayan, at lumang revolvers -- lusubin ang kuta ng Guardia Civil sa Pinaglabanan?
Sinagupa sila ng kanyon at riple. Tinambangan sila sa kaliwa’t kanan ng reinforcements mula Intramuros. Nalalos sila. Limampu lang ang natirang umatras kasama ni Bonifacio pabalik sa Diliman. Hinalughog ng mga Kastila ang mga paligid bayan, kinaladkad at pinatay ang mga sugatan sa harap ng kanilang mga pamilya. Naubos sila. Ngunit nagsiklab ang poot -- at umaklas -- ang taumbayan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest