Editoryal - Bayani ng mahihirap at kapuspalad
KAPANGANAKAN ni Andres Bonifacio ang pinagdiriwang at hindi ang kanyang kamatayan noong Mayo 10, 1897. Malupit ang naging kamatayan ni Bonifacio na isinagawa ng mga tauhan ni Emilio Aquinaldo. Makaraang i-execute, kasama ang kapatid na si Procopio, inilibing sa isang lugar na walang tanda kaya hindi matiyak kung ang nahukay na buto noong 1918 sa isang tubuhan sa Maragondon ay sa kanya ba talaga. Inilagay sa isang urna ang mga buto ni Bonifacio at inilagak umano sa National Library na nasa Legislative Building. Nang bombahin ng mga Japanese ang Maynila noong World War 2, kasama umanong nawasak ang mga buto ng bayani. Maski sa kamatayan ay masyadong naging kawawa ang nagtatag ng Katipunan.
Ipinanganak na mahirap si Bonifacio noong Nobyembre 30, 1863 sa Tondo, Manila. Lima silang magkakapatid at siya ang panganay. Maaga silang naulila kaya siya ang nagtaguyod sa kanyang mga kapatid. Marami siyang pinasukang trabaho. Nagtinda ng mga tungkod at pamaypay. Nagtrabaho siya sa isang British company at pagkatapos ay sa German company. Habang walang ginagawa, nagbasa siya ng mga libro ukol sa French Revolutions, akda ni Victor Hugo na Les Miserables at mga libro tungkol sa mga naging presidente ng America. Nabasa rin niya ang Noli Me Tangere at El Felibusterismo ni Dr. Jose Rizal.
Hanggang sa itatag niya ang Katipunan. Sinimulan nila ang rebolusyon sa pagpunit ng mga sedula. Lumaban nang buong giting sa mga Kastila sa kabila na kulang sa armas --- itak laban sa mga kanyon ng kalaban. Maraming namatay sa mga Katipunero. Pero sa kabila niyon, hindi pa rin sumuko si Bonifacio.
Nakakalungkot na hindi siya namatay sa kamay ng mga Kastila kundi sa kamay ng kapwa kababayan. Ganunman, mananatili pa rin sa isipan nang nakararami ang ipinakitang tapang at pagmamahal sa bayan ni Bonifacio. Para sa marami, siya ang tunay na bayani ng mga mahihirap at kapuspalad. Ang kanyang alaala ay hindi mawawala kailanman.
- Latest