‘Malasadong Kaso’
Pieta, larawan ng isang inang puno ng dalamhati habang kalong-kalong ang kanyang anak. Isang obra maestra ni Michelangelo, na kinuha sa imahe ng Birhen Maria at ni Hesus pagkatapos ibaba sa pagkapako sa krus.
Hindi akalain ni Evelyn Viloria—40 na taong gulang ng Bagong Silang, Quezon City na darating ang panahon na malalagay sila ng kanyang anak na si Reymark—19 na taong gulang sa ganong sitwasyon.
Gumugurlis pa rin sa kalooban ni Evelyn tuwing mapag-uusapan ang sinapit ni Reymark dalawang taon nang nakakalipas.
Disyembre 6, 2010 hindi niya maintindihan ngunit, kahit nagpapagising ng maaga si Reymark ay hinayaan lang ito matulog. May babalikan daw itong kwintas na nahulog sa kabilang kalye kung saan nakasuntukan nito nung madaling araw ang isang Eleazar Afuang—23 na taong gulang. Sa paniwala ni Evelyn, away lasing lang iyon.
Alas-2 na ng hapon bumangon si Reymark at nagpaalam na tatambay lamang sa Tagumpay Village kasama ng kaibigan nitong si Rafael Laurio—23 na taong gulang. Ganito ang madalas nilang gawin para makalabas lamang ng bahay.
Bandang alas-6:45 ng hapon naglakad na pauwi ang dalawa. Mas nauuna si Rafael kay Reymark. Nung dumating na sa arko ng Tagumpay Village, may kasalubong silang dalawang lalaki nakatingin sa kanila.
Namukhaan nilang si Aldrin Pemanuel—28 na taong gulang ang isa, ngunit hindi nila alam kung sino ang kasama nitong nakilala na lang nila na si Julito Casiporan—50 na taong gulang.
Nanlaki ang mga mata ni Rafael sa gulat nung makita niyang naglabas ng baril si Julito habang naglalakad papalapit kay Reymark.
“Ito ba?,” maangas umanong tanong ni Julito kay Aldrin habang ipinantuturo ang hawak na baril kay Reymark.
“Oo, siya nga,” sagot umano ni Aldrin. Wala sa kalahating segundo, kinalabit ni Julito ang gatilyo ng baril kay Reymark. Tinamaan ito sa kaliwang tagiliran at biglang bumagsak.
Napatakbo si Rafael upang humingi ng tulong kay Evelyn.
“Diyos ko!,” abot-abot na sigaw ni Evelyn nung malaman. Walang hingal na maramdaman si Evelyn habang nagtatatakbo papunta sa lugar na pinagbarilan, habang nagpapasahan sa kanyang isip kung patay na ba o buhay pa ang anak.
Isang dyip ng mga kabataan ang tumawag sa kanya at sinabing sakay na nila si Reymark para isugod sa ospital.
Biglang sampa sa dyip si Evelyn, halos madurog siya nung mabungaran ang anak na nakahigang duguan sa sahig ng dyip. Agad niyang kinalong ang ulo ni Reymark.
“Anak, sino may gawa nito?,” tanong ni Evelyn.
“Hindi ko kilala Ma,.. si Aldrin,” naghahabol ang hinga na sagot ni Reymark. Walang magawa si Evelyn kung hindi panoorin ang tuluyang pamumutla ng mukha ni Reymark habang pinipilit nitong idilat ang mga mata. “Ma, malapit na ba? Malapit na ba? Bilisan ‘nyo,” nauutal at paulit-ulit nitong sinasabi kay Evelyn.
“Oo anak,‘wag ka nang magsalita malapit na tayo,” sagot niya habang salo ng kanyang palad ang mukha nito.
Dinala sa East Ave. Medical Center si Reymark. Pagdating doon, sinubukang sagipin ang buhay ni Reymark, subalit isang ugat ang napuruhan ng tama ng bala. Alas-8:15 ng gabi, bumigay na rin si Reymark.
Pasko ng taong 2010 sa halip na magdiwang ay nag-aasikaso si Evelyn ng pagsasampa ng kasong “Murder” laban sa dalawang suspek. Tanging si Aldrin lang ang nahuli subalit hindi na muling nahanap magpasahanggang ngayon si Julito.
Nobyembre 9, 2012, lumabas ang desisyon sa akusadong si Aldrin. Lumong-lumo si Evelyn dahil napawalang-sala ito. Iginigiit niyang may ‘typographical error’ na nangyari sa itinipang salaysay ni Rafael na isinagawa ng imbestigador sa kaso na si SPO2 Neil Garnace.
“Nailagay na tinutukan daw ng baril ni Julito si Aldrin habang tinatanong kung sino si Reymark, ang totoo po, wala pong sinabi si Rafael na gano’n,” katwiran ni Evelyn. Sinubukan umano nilang itama ito subalit hindi na ito inayos ni SPO2 Garnace.
Hiling ni Evelyn na matunton ang pangunahing suspek na si Julito.
Sa lahat ng nagbabasa ng pitak na ito, sa nakakakilala kay Julito Alyas “Big Daddy” Casiporan, ang kanyang larawan ay makikita sa ibaba. Kung may nakakalalam sa kanyang kinaroroonan mangyaring magsadya o itawag ninyo sa aming tanggapan ang impormasyon.
Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kasong ito ng pagpatay kay Reymark.
SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, masakit para sa isang magulang ang maglibing ng anak. Walang kaabog-abog, isang diin sa gatilyo, nabawi ang buhay ni Reymark sa kamay ng isang taong misteryo para kay Evelyn ang naging motibo. Napawalang-sala si Aldrin sapagkat hindi daw nagtagumpay ang panig nina Evelyn sa pagtukoy sa pagkakakilanlan ni Aldrin bilang kasama sa pamamaril. Ayon sa desisyon, kahit inamin nina Evelyn sa Pre-Trial conference na si Aldrin iyon, wala namang nakita sa Pre-Trial Order na ang pag-amin na iyon ay may lagda ng akusado at ng abogado nito, alinsunod sa Sec. 3, Rule 118 ng Rules of Court kaya’t hindi ito maaring tanggapin ng korte. Kaya lang, hindi ba “the act of one is the act of all”, na itong si Aldrin at Julito ay nagtulungan sa pagsasagawa ng krimen? ‘Di ba magkasama silang dalawa ni Julito nung tinuro niya kung sino si Reymark? Alin ang mas malapit sa katotohanan, magkasama kayong hinahanap ang nakaaway niyo at ininguso sa‘yo kung sino ang nakalaban, o yung tutukan ng baril ang mismong kasama upang mapilitang ituro kung sino ang dapat banatan? Ganun pa man, nasa desisyon ng kagalang-galang na hukom ang mga katagang “the failure of the prosecution to establish this case” laban kay Aldrin kaya‘t kinailangang siya’y mapawalang sala. Ang masakit nito, kahit mahuli si Julito at amining kasama niya si Aldrin sa pamamaril, hindi na pwedeng isali pa siya sa demanda dahil papasok na ang tinatawag na “double jeopardy”, ibig sabihin, walang sino man ang pwedeng litisin sa kaparehong krimen, parehong tao at mga insidente, dahil napawalang sala na siya. Ito ay inilagay sa batas upang protektahan ang isang tao mula sa paulit-ulit na demanda kapag siya’y naabswelto na. Bilang tulong, pinadulog namin siya sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG), kay Director Samuel Pagdilao upang magsagawa ng isang malawakang paghahanap sa suspek na si Julito Alyas “Big Daddy” Casiporan. (KINALAP NI PAULINE F. VENTURA) Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393 . Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.
Follow us on twitter: Email: [email protected]
- Latest