Sagot ng Tampakan Mines sa nakakatakot na tailings
NU’NG Nob. 6 inulat ko ang angal ng Save Palawan Movement laban sa Chamber of Mines. Hinihingi kasi ng Chamber na lisensiyahan ang nakatenggang Tampakan project sa Mindanao. Nagbabala ang SPM na delikado ang planong tailings pond (imbakan ng lason, dumi, bato at burak) ng Tampakan sa bundok. Maaalalang sumabog sa bigat ng tubig-ulan ang dam ng Marcopper sa Marinduque nu’ng 1996, at nilason ng 2.4 milyong tonelada ng tailings ang dalawang ilog at paligid na karagatan. Kamakailan sumabog din ang umano’y matibay na dam ng Philex sa Benguet, at 20 milyong tonelada naman ng tailings ang sumira ng ilog at palayan hanggang La Union at Pangasinan. Sampung beses na mas malaki ang dam ng Tampakan kaysa Philex, at maaring puminsala sa anim na ilog sa apat na probinsiyang sakop ng minahan. Kaya naman sinasabi ng SPM na huwag ito paganahin.
Sumagot si Ian Callow, public affairs manager ng Sagittarius Mines na nais mag-operate ng Tampakan. Aniya, responsableng minero sila, kaya walang tinatago. Iginiit niya ang tatlong punto:
Iba-iba ang klima at kalagayan ng lupa ng mga minahan. Sinuri ng mga enhinyero at geologists na nagdisenyo ng dam ang kapaligiran ng Tampakan. Ipinarepaso ito sa mga espesyalista sa abroad bago tanggapin ng Sagittarius.
Susunurin ang mahigpit na international standards sa pagtayo ng dam. Batay ito sa mahigit 100 na minahan nila sa mahigit 20 bansa.
Ang binabalak na Tailings Storage Facility ay fully-engineered na istruktura na pipigil sa anomang tulo. Kumpiyansa sila na makakayanan ng dam ang matitinding sakuna. Kung kinakaya na ng high rises sa mga malindol na pook ng mundo, gan’un din ang dam nila.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest