Tunay na nagkasala sa kasong plagiarism
BUGBOG sarado si Senador Tito Sotto sa isyu ng plagiarism o pangongopya sa mga bantog na statements ng iba. Ngayon, sinampahan pa siya ng kaso sa Senate Ethics Committee kaugnay ng usapin.
Pero sa totoo lang, kung sinasabing may kasalanan si Tito Sen, ito ay dapat panagutan ng kanyang legislative staff na siyang naghahanda ng kanyang mga talumpati. Ang hindi ko lang maintindihan ay bakit kailangan pa niyang patagalin sa tungkulin ang kanyang mga palpak na tauhan na nagsubo sa kanya ng mga kinopyang pahayag.
Kaya hayan, parang binigyan ng ammunition ang mga kumokontra sa kanya tulad ng mga sector na pabor sa Reproductive Health (RH) Bill. Pabor ako sa family planning pero iginagalang ko ang salungat na pananaw gaya nang kay Sotto. Nakita natin ang pagiging emosyonal ng mambabatas na ito kapag ang pagtutol niya sa bill ang pinag-uusapan.
Wika nga ng isang kaibigan ko na nakikisimpatiya kay Sotto, well-funded ang grupo ng mga RH Bill advocates kaya walang habas kung tirahin si Sotto. As I was saying, dapat antimano’y kinastigo na ni Sotto at sinibak ang mga tauhan niyang dapat managot.
Naalala ko pa nang unang sumabak sa politika si Sotto. Ang approval rating niya ay napakataas at posibleng maging Presidente ng Pilipinas kung tumakbo. Pero parang lobong sinundot ng aspili nang lumabas ang usaping ito sa plagiarism. Ganyang kabilis makapanira ang social network na doo’y kataku-takot na tuligsa ang tinanggap niya.
Sabi nga, kung below the belt ang ‘cyber bullying’ na inabot ni ‘Amalayer coed’ na nakipag-away sa lady guard ng LRT, higit na below the belt ang mga upak na inabot ni Sotto. Iginagalang natin ang paninindigan ni Sotto bagamat maaring kakaiba sa aking pinaniniwalaan. Wika nga we can disagree without being disagreeable. Pero tulad ng nasabi ko, nagkamali man siya, ang dapat managot ay yung mga tauhan niyang nagtulak sa kanya para magkamali.
Pati kredibilidad ni Sotto ay nawasak dahil sa kapalpa-kan ng kanyang mga tauhan.
Ano’ng masasabi mo Atty. Hector Villacorta, kasama ng mga angels mo na kung bansagan ngayon sa Senado ay mga ‘plagiarism girls?’
- Latest