Hilot at masahe
KUNG gusto ninyo ng health tips, dapat kayong manood linggu-linggo ng programang Salamat Dok ng ABS-CBN. Pitong taon na itong public service program ng ABS-CBN at laging nangunguna sa TV ratings.
Punumpuno ng health tips ang programang ito at may medical mission pa para sa mahihirap nating kababayan. Kamakailan, naging panauhin kami ng aking maybahay na si Dra. Liza Ong ukol sa benepisyo ng hilot sa maysakit.
Ang hilot ay matagal nang ginagamit sa Pilipinas. Umabot na ito ng lampas 100 taon. Makatutulong ang paghilot sa mga masakit ang ulo, masakit ang katawan at sa mga stressed na tao. Ang benepisyo ng hilot ay ang paglambot ng mga litid na tumitigas. Ang paggamit ng mga oils at liniment ay puwedeng makatulong sa lugar na masakit.
May babala lamang sa paggamit ng hilot. Dapat ay hinay-hinay lang at huwag masyadong malakas. Iwasan ang paggamit nito sa mga sakit tulad ng impeksyon sa balat, nabalian ng buto, mga bukol at malalaking sugat.
Sa mga seryosong bugbog at pamamaga ng katawan, pahinga lamang at hot and cold compress ang lunas. Ang cold compress ay para sa pamamaga sa unang 2 araw ng sakuna, at pagkatapos ay gawin naman ang hot compress.
Mag-ingat din sa paghilot sa bandang leeg at batok. Ang leeg natin ay mga carotid arteries kung saan dumadaloy ang dugo sa utak. Sa batok naman ay may mga buto sa leeg na naglalaman ng ating spinal cord. Maselan ang mga parteng ito at maaaring malihis ang buto.
Puwede naman ang pagmamasahe sa mga anak at sa mag-asawa dahil nagbibigay ito ng pagmamahal sa kanila. Sa katunayan ay mayroon na tayo ngayong Touch Therapy, kung saan sa pamamagitan ng paghimas-himas ay naglalabas ang ating katawan ng endorphins, o mga happy hormones.
Mapapansin ninyo na kapag ang bata ay umiiyak, gusto nilang hinahaplos-haplos sila at mamaya-maya pa ay tatahan na sila.
Iyan ay dulot ng mga en dorphins, ang kemikal na nagpapaginhawa at nag-papasaya sa atin.
- Latest