Ano ang sintomas ng cancer sa lungs?
“Dr. Elicaño, ang tatay ko po ay isang smoker. Siya ay 65-anyos. Sampung taong gulang pa lang daw siya ay naninigarilyo na. Sinding-upos po siya o sunud-sunod ang paninigarilyo. Nakakaubos po siya ng tatlong kaha sa maghapon.
Wala pa naman po kaming napapansin sa kanyang katawan maliban sa pakonti-konting ubo at paghingal lalo na kung umaakyat sa hagdan. Ayaw po niyang makinig sa amin kapag pinagsasabihang mag-quit na sa paninigarilyo. Lagi po niyang katwiran, bakit daw ang isang matanda sa Japan ay mahigit nang 100 taon ang edad pero buhay pa rin. Chain smoker daw ang Japanese. Kung masama raw ang sigarilyo dapat daw ay todas na ang Japanese. Kahit na anong pilit namin sa kanya ayaw talagang makinig. Matigas po ang ulo.
Kaya po ako sumulat ay para itanong kung ano ba ang mga sintomas ng cancer sa lungs. Kasi po, nag-aalala kami na baka isang araw ay bigla na lamang siyang manghina o hindi makabangon dahil meron na siyang cancer sa lungs. Batay po sa mga nabasa kong artikulo na may kaugnayan sa health, ang paninigarilyo ang dahilan kaya nagkakaroon ng cancer sa baga. Sana po sagutin ninyo ang katanungan ko. Marami pong salamat.” ---JOSE PAUL LARGADO, Misamis St. Proj. 6, Quezon City
Tama ka na ang paninigarilyo ang dahilan kaya nagkakaroon ng cancer sa baga. Tinatayang 85 percent ng lung cancer ay nakuha sa paninigarilyo. Nasa 111,000 tao ang namamatay taun-taon dahil sa lung cancer. Sa United States, tinatayang 25 percent ng mga namatay sa lung cancer ay dahil sa paninigarilyo. Ang mga umuubos ng dalawang kaha ng sigarilyo bawat araw ay may malaking panganib na magka-lung cancer.
Ang iba pang dahilan kaya nagkakaroon ng lung cancer ay dahil sa asbestos, coal tar fumes, petroleum oil mists, arsenic, chromium. Nickel, iron, isopropyl oil, radio active substances at air pollution.
Ang mga sintomas ng lung cancer ay ang paninikip ng dibdib, pag-ubo, pangangapos ng paghinga, pneumonia, dugo sa plema, pagbaba ng timbang at nahihirapang makalunok.
Kapag ang cancer ay nasa unang stages pa lamang maaari itong isai-lalim sa pamamagitan ng operasyon. Ang radiation theraphy at chemotheraphy ay maaari ring isagawa sa pasyente. Ang radiation theraphy ay ginagawa para maalis ang sakit na dinaranas ng pasyente.
- Latest