Classroom shortage solved
GAYA rin ng mga naunang administrasyon, ang Aquino administration ay mahilig magbitiw ng pangako tungkol sa maganda nitong mga adhikain para sa bansa. Sa inagurasyon pa lamang ni P-Noy ay iginuhit na niya ang tatahaking matuwid na daan ng kanyang panguluhan na pinasaloob niya sa simpleng mensaheng “bawal ang wangwang”. Tapos na ang maligayang araw ng pang-aabuso sa kapangyarihan. Mula ngayon, patas ang lahat sa harap ng batas.
Sa lahat ng narinig at nabasa kong pangako ng gobyerno, ang pinakapinalakpakan ko ay ang deklarasyon ni Education Secretary Armin Luistro nitong Marso na sa pasukan ng 2013 ay halos ma-wipe out na ang kakulangan ng classrooms sa bansa. Ang 36,000 classroom shortage na kinakailangan upang maserbisyuhan ang pumuputok na bilang ng mag-aaral ay bababa raw sa 6,000 na lamang! Napakagandang balita. Sana’y mangyari nga.
Sa dami ng napapag-usapang mga panukalang batas gaya ng RH Bill, Sin Taxes, Freedom of Information, sa huli ay wala ni isa nitong mas matimbang ang epekto kaysa sa problema natin sa edukasyon. Basics pa nga lang itong problema – paano pa pag-uusapan ang improvement ng ating educational system kung ni walang kuwarto kung saan ituturo ang sistemang ito?
Ang strategy ni Luistro ay makipagtulungan sa Pribadong Sektor. Sa pamamagitan ng PPP (Public Private Partnership) ay mapunuan ang kakulangan ng higit na mabilis kaysa kung iasa lamang sa gobyerno. Malaki na rin ang papel na ginagampanan at maari pang gampanan ng private sector upang mapataas ang antas ng edukasyon sa bansa, bagay na lahat naman ay makikinabang. Mayroon pa ngang batas na nagtalaga ng Adopt A School program upang ang mga malaking korporasyon, habang nakakatulong, ay nabibigyan din ng insentibo sa buwis para sa kanilang donasyon.
Hindi lang ito ang programa ng DepEd upang masolbahan ang classroom shortage. Inumpisahan na rin nila ang mga Alternative Learning System na nagbibigay ng equivalency para sa mga hindi nagtapos subalit may experience na sa trabaho. Nandyan din ang home study program kung saan ang curriculum sa iskwela ay pag-aaralan mo sa bahay habang minamanmanan ng magulang.
Buong bansa ang umaasa na magtagumpay ang balak ni Luistro. Napakalaking bagay para sa lahat kung magawa nga niya ito.
- Latest