^

PSN Opinyon

‘Bato ni David sa mata ni Eba’

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

BATO-BATO SA LANGIT kapag sa mata tumama, BULAG!

Nagsadya sa aming tanggapan ang mister na si Ruel Hiloma, 29 anyos ng Novaliches Quezon City.

Habambuhay magiging sariwa sa kanyang isipan kung paano nagmantsa sa kanyang uniporme ang dugo na tumagos mula sa basag na mukha ng kanyang misis.

Nabulag ang kanyang misis na si Emilyn dahil sa lumipad na batong sumapol sa kanyang kaliwang mata.

Inirereklamo niya ang kanyang kapitbahay si Romeo Palomo na siyang nambato umano kay Emilyn.

Takaw-away daw talaga itong si Romeo ayon kay Ruel kaya’t hindi na bago sa kanila na kapag may gulo sangkot itong si Romeo.

Nangyari ang insidente noong ika- 30 ng Setyembre bandang alas 6:30 ng gabi. Narinig na ni Ruel na may nagkakagulo sa labas. Hindi lang nila ito pinapansin dahil sanay na sila sa ganitong klase ng mga eksena.

“Maingay talaga sa lugar namin kasi squatters area kaya madalas sinasara na lang namin ang pinto”, sabi ni Ruel.

Nag-away daw ang kanyang bilas na si Joseph Desuasido at ang kapatid ni Romeo na si “JR” dahil nagkasingitan sa hinihinging tubig kay Aling Rebecca.

Nagkapikunan ang dalawa hanggang sa magkasuntukan. Nakita raw ito ni Romeo kaya pinagtulungan umano ng magkatid si Joseph. Pinalakol daw ng mga ito si Joseph sa ulo. Tapyas ang laman sa bunbunan. Sinugod ito sa ospital.

Sandaling humupa ang tensyon sa paligid. Makalipas ang limang minuto binuksan ni Emilyn ang pinto ng kanilang bahay. Palabas na kasi noon si Ruel papasok sa trabaho.

“PAK!”… parang may kidlat siyang nakita na unti-unting nawala. Bigla na lamang napayuko si Emilyn. Napapakit siya ng madiin. Pilit na minumulat ang kanyang mga mata. Hinawakan niya ito. Nakaramdam na tila may mainit na dumadaloy sa kanyang mga kamay.

Napasigaw si Emilyn “Aray! Tulungan niyo ako! Dalhin niyo ako sa ospital”.

Tinamaan siya ng bato na animo’y panang nag ‘bulls eye’ sa kanyang mata

Inalalayan siya ni Ruel. Sinugod niya ang misis sa pinakamalapit na klinik na Drueco upang linisin ang sugat. Pinadiretso sila sa Novaliches District Hospital.

Nadakip ng taong bayan si Romeo na siyang tinuturo na bumato umano kay Emilyn. Ang bahay kasi na tinitirahan ni Joseph at nila Ruel ay iisa.

Hindi nito akalain na sa pagbukas ng pinto may ibang taong tatamaan.

“Hindi namin alam na nag aabang na pala si Romeo sa harap ng bahay namin. Akala ko tumigil na sila dahil napalakol na nga nila si Joseph at hindi naman kami kasali sa away nila”, sabi ni Ruel.

Sumuka ng dugo si Emilyn. Pinalipat sila sa Quezon City General Hospital dahil wala raw silang ‘eye specialist’. Tinurukan siya ng ‘anti tetanus’.

Sinubukan buksan ang kanyang mga mata. Nahiwa din ang kilay nito sa lakas ng pagtama. Pina CT scan nila. Nung malamang may ‘fracture’ ay pinalipat sila sa East Avenue Medical Center.

Kinailangan daw na tanggalin na ang mata ni Emilyn. Ooperahan daw upang hindi mahawa ang isa pa nitong mata.

Mahal daw ang gagawing operasyon. Ayaw din pumayag ng ospital ng ‘promissory note’ kaya umuwi na lang sila Ruel.

Wala raw silang tulong na nakuha mula kay Romeo. Ang Philhealth lang daw ang sumagot sa bill nila na umabot sa Php27, 130.

Dumeretso si Ruel sa barangay San Agustin. Saktong nandun si Romeo. Dinala sa police station si Romeo. Kinuhanan sila ng mga salaysay.

Nagmakaawa raw ang asawa ni Romeo na si “Heidi” na huwag idemanda ang kanyang mister. Sasagutin daw nila ang lahat ng bayarin.

Pinakinggan nila ang pakiusap ni Heidi. Nagbigay naman daw ito para sa gamot. Naghintay ang mag asawang Hiloma para sa bayarin sa ospital subalit wala silang napala. Hindi naman daw tumupad sila Romeo at ayaw ng panagutan ang pagkakabulag ni Emilyn.

Sampung araw na hindi nakapasok sa trabaho si Ruel. Nagkautang utang sila para lamang sa gamot na kailangan ni Emilyn.  Pati ang kanyang tatlong anak, apektado rin. Ang pangkakain na nga lang nila ay napupunta pa sa pambili ng gamot ni Emilyn.

Ayon sa ‘medico legal certificate’, soft tissue swelling with hematoma and subcutaneous emphysema, left orbital region’, ruptured globe left and multiple facial fractures’ ang tinamong pinsala ni Emilyn.

Nais ni Ruel na ituloy na ang kaso. Wala raw siyang alam sa batas kaya nais niya na humingi ng tulong sa amin.

Hustisya ang kanyang sigaw sa pagkakabulag ng kanyang misis.

“Tulungan niyo ko Sir. Dapat mapanagutan nila ang pinsalang ginawa nila sa asawa ko. Hindi na sila naawa. Kung pwede lang na siya na lang ang mabulag para lang mabalik ang paningin ng misis ko”, ayon kay Ruel.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo ang “Hustisya Para sa Lahat” sa DWIZ 882 Khz (tuwing 3:00 – 4:00 ng hapon).

Sinubukan namin tawagan ang numero ni Romeo na binigay sa amin ni Ruel upang makuha ang kanyang panig subalit hindi niya sinasagot ang kanyang telepono.

Bilang tulong ay binigyan namin si Ruel ng referral sa tanggapan ni Director Samuel Pagdilao ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) upang maasistehan siya sa imbestigasyon at maisampa ang kaukulang demanda laban kay Romeo.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, kahit sabihin na aksidente lamang ang pagkakabato kay Emilyn at hindi naman siya ang punterya ni Romeo ang kasong ‘serious physical injuries’ pa rin ang kakaharapin na kaso ni Romeo.

Yung magbato sa loob ng bahay ng iyong kapitbahay ay isang kagaguhan na bunga ng init ng ulo na walang puwang sa isang maayos na lipunan.

Ang lahat naman ng mga kapitbahay nila na nakakita ng pangyayari ay maaring tumayong testigo upang magpatibay sa mga pangyayari.

Higit sa labing limang araw ang ‘healing period’ ng tinamong pinsala ni Emilyn dahil habang buhay ng pikit at hindi makakita ang isa niyang mata.

Maiiwasan sana ang mga ganitong klase ng  insidente kung hindi ka maangas at nagmayabang sa lugar nino Romeo. Sa kagustuhan mong makaganti, isang walang malay na babae ang tinamaan mo.

Malaki ang pananagutan mo rito Romeo. Hindi lamang sa kasong pambabato ngunit sa sibil na aksyon ng ‘danyos perwisyo’ na dinulot mo kay Emilyn.

 (KINALAP NI AICEL BONCAY) Sa mga gustong dumulog ang aming mga numero, 09213263166, 09213784392 o 09198972854. Ang landline 6387285 at ang 24/7 hotline 7104038 o magpunta sa 5th floor CityState Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Biyernes.

ALING REBECCA

DAW

EMILYN

KANYANG

NILA

ROMEO

RUEL

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with