IBALIK ang death penalty. Ito ang panawagan ng mga kamag-anak ni Cyrish Magalang, ang UST graduate na natagpuang patay sa isang lote sa Cavite. Na-kagapos ang mga kamay, tadtad ng 49 na saksak ang katawan at binagsakan pa umano ng bato ang ulo! May indikasyon pa na tinangkang gahasain pero dahil sa lumaban nang husto si Cyrish, pinatay siya! Nadakip na ang dalawang suspect.
Napakadaling sabihin na hindi solusyon ang death penalty at hindi mababawasan ang krimen kung ibabalik pa ang death penalty. Sabihin na natin na totoo nga iyon. Pero kailangan nang tingnan ang death penalty bilang parusa sa napakasamang krimen, at hindi solusyon nito. Kung sa mahal sa buhay mo nangyari ang krimen, ano ang iisipin mo? Ang sabi ng ama ni Cyrish ay dapat buhay na rin ang kapalit. Sabi ng ina, hindi puwedeng sorry-sorry na lang. Sino tayo para magsabing hindi nila alam ang sinasabi nila? May kasabihan nga na hindi dapat nililibing ng magulang ang kanilang anak!
Ilang taon nilang inalagaan ang kanilang anak. Binuno ang edukasyon, para magkaroon ng magandang kinabukasan. At napakatalino pa ni Cyrish. Cum Laude siya sa UST! Sinong magulang ang hindi ipagmamalaki ang kanilang anak sa nakamit niyang karangalang iyon? Tapos, papatayin lang na parang hayop ng dalawang magkapatid na nasa impluwensiya umano ng droga? O ngayon kung naka-droga, pwedeng palampasin na lamang lahat? Eh di lahat ng naka-droga absuwelto na sa lahat ng krimen? Ito ang mahirap sa ganitong mga krimen. Parang mas may pag-aalala at malasakit pa sa mga suspek, na sa kasong ito ay umamin na sa krimen, kesyo yung karapatan nila at lahat, kaysa sa mga kamag-anak nung biktima!
Sang-ayon ako na ibalik ang death penalty sa mga kasuklam-suklam na krimen, hindi para maudlot ang krimen sa bansa, kundi bilang parusa lamang sa krimeng ginawa. Para sa buhay na kinuha. Itong nangyari kay Cyrish Magalang ay isang halimbawa. Ang sabi pa nga ng ama, ay kung puwede lang, sila na ang maghatol sa kanila. Sino tayo para tanggihan ang kanyang hiling? Alam ba natin kung ano ang nararamdaman niya? Iba na talaga ang usapan kapag biktima ka na ng mga ganitong kriminal. Hihingi ka talaga ng sapat na hustisya, di ba?