Tulong ni Jinggoy sa distressed OFWs
DALAWAMPUNG distressed OFWs sa Dubai, United Arab Emirates ang tinulungan nI Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada na makauwi. Ang mga OFW (pawang kasambahay), ay sinaktan, inabuso at hindi pinasuweldo ng kanilang employer.
Sinagot ni Jinggoy ang pamasahe sa eroplano ng mga OFW kung saan 15 sa mga ito ay kasabay niyang lumapag sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 noong Oktubre 29 habang ang limang iba pa ay susunod na ring makauwi kapag nakumpleto na ang pagproseso ng kanilang exit sa Dubai. Tiniyak naman ng mga opisyal ng ating konsulado at Philippine Overseas Labor Office (POLO) na aasikasuhin ang natira pang OFWs.
Ang mga nakauwi na ay sina Luisa Abenir, Jonnalyn Belmosao, Rowena Carao, Maria dela Cruz, Maida Esmael, Sittie Mariam Gudal, Mary Joy Mangad, Nerissa Molleda, Edna Perez, Diana Lou Publico, Maria Leni Regino, Bariya Sawaldi, Marites Sechico, Michelle Torio, at Mary Ann Yambao. Karamihan sa kanila ay nagsabing ayaw na nilang bumalik pa sa pagtatrabaho sa ibang bansa dahil sa trahedyang naranasan.
Nangako naman si Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Administrator Carmelita Dimzon na tutulungan silang makapaghanapbuhay at bibigyan ng puhunan para sa livelihood project.
Isasalang sila sa stress debriefing at bibigyan ng medical referral lalo na ang mga naging biktima ng pa-nanakit. Patutuluyin din muna sila ng OWWA sa “halfway house” habang nasa Maynila at tutulungang makauwi sa kani-kanilang probinsya.
Ayon kay Jinggoy, ang mga kasambahay ang mga manggagawang nakalantas sa pang-aabuso at pagsasamantala hindi lamang sa ibang abroad kundi maski dito sa bansa kaya dapat palakasin ng pamahalaan ang pag-ayuda sa kanila.
- Latest