KAMI ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Ejercito Estrada at buong pamilya Estrada ay kaisa sa pagpupugay ng milyong Pilipino sa kanonisasyon ni Blessed Pedro Calungsod. Si San Pedro Calungsod (1654-1672) na da-ting misyunaryo mula sa Visayas, ang ikalawang Pilipinong idineklarang santo. Ang una ay si San Lorenzo Ruiz.
Ang pagbasbas kay San Pedro Calungsod bilang santo noong Linggo sa St. Peter’s Square sa Vatican City ay pinangunahan ni Pope Benedict XVI. Si Cebu Archbishop Emeritus Ricardo Cardinal Vidal naman ang namuno sa Votive Mass para kay Calungsod kahapon (Oktubre 22) kasabay ng Thanksgiving Day sa St. Peter’s Basilica.
Si Jinggoy ay kabilang sa opisyal na delegasyon ng Pilipinas sa naturang okasyon, sa pangunguna ni Vice President Jejomar Binay.
Ayon sa Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), humigit-kumulang na 5,000 Pilipino ang nagtungo sa Roma at sumaksi sa kanonisasyon.
Napakamakabuluhan at makasaysayan ang okasyon bilang pagkilala ng Simbahang Katoliko sa buhay, pananampalataya at debosyon ng isang Pilipino. Ito ay isang simbolo rin ng matibay na pananalig ng mga Pilipino sa kabila ng matitinding mga pagsubok sa buhay.
Idineklara naman ni President Aquino ang Oktubre 21 bilang National Day of Celebration. Ayon sa Proclamation 481, ang pagdiriwang ay nagbibigay ng “national pride” sa puso ng bawat Pinoy at ang naging buhay ni San Pedro Calungsod ay magandang inspirasyon para sa lahat ng mga kabataan upang panatilihin ang magandang asal at prinsipyo at makialam sa mga isyung panlipunan.
Sa panunungkulan ni dating President Joseph Estrada isinagawa ang beatification ni Blessed Pedro Calungsod noong Marso 2000 sa pangunguna ni Pope John Paul II at ako naman ang nanguna sa delegasyon ng bansa sa Roma noon.