Magandang araw po, Doc Elicaño. Ako po ay nagkaroon ng mild stroke isang taon na ang nakararaan. Masyadong mataas po ang aking blood pressure kaya ako na-stroke. Mataas din ang aking cholesterol level. Hindi ko po kasi nainom ang aking maintenance medicine para sa hypertension kaya ako na-stroke. Ngayon po ay maayos na ang aking katawan at wala namang bakas na ako’y na-stroke. Patuloy din ang pag-inom ko ng gamot. Tanong ko lang po, maaari ba akong ma-stroke muli?’’
---CATHERINE M. ng San Miguel, Manila
Maaari kang ma-stroke muli kung hindi mo ipagpapa- tuloy ang pag-inom ng gamot. Marami nang na-stroke noon na na-stroke muli dahil hindi uminom ng gamot o nakalimutang inumin ang kanilang gamot. Meron pa na hindi na uminom ng gamot dahil magaling na raw at ang iba ay nagtitipid. Mahalaga na sundin ang payo ng doctor sa pag-inom ng gamot. Huwag pasaway para hindi ma-stroke.
Ang stroke ay ang pagkamatay ng brain tissues. Nangyayari ito kapag mahina ang daloy ng dugo at kakaunti ang supply ng oxygen sa utak.
Ang stroke ay isa sa mga pangunahing dahilan ng kamatayan hindi lamang sa Pilipinas kundi pati na rin sa maraming bansa.
Marami nang mabisang gamot ngayon para sa hypertension at para pampababa ng cholesterol. Sa pag-inom ng mga ito nababawasan ang muling pag-atake ng stroke at ganoon din ang atake sa puso.