Congratulations, Ateneo!

 CONGRATULATIONS sa Ateneo Blue Eagles na nagwagi sa UAAP championship game, kalaban ang UST Grow-ling Tigers noong Huwebes ng hapon. Ito ang panglimang sunod-sunod na pagkampeon ng Ateneo.. Napakahalaga at makabuluhan na panalo! Bukod sa panlimang championship – sila pa lang ang nakagawa nito – medyo sentimental na rin na panalo dahil sa ilang bagay-bagay.

Una, ay ang balita na pagbawi ng suporta ni Manny Pangilinan sa koponan, dahil sa hindi pagkakasundo niya sa Ateneo sa ilang isyu katulad ng industriya ng pagmimina at RH Bill. Pangalawa, ito na yung huling taon ni Norman Black bilang coach ng Ateneo, dahil lilipat na sa pag-coach ng isang koponan sa PBA, na malamang pag-aari rin ni MVP. Kaya minabuti ng mga Blue Eagles na makamit ang championship na ito, dahil sa totoo lang, iba na ang anyo ng koponang ito sa susunod na taon. May ilang mga player katulad ni Salva, Slaughter, Chua at Gonzaga na graduate na! Ayon din sa mga kasama kong mahihilig sa UAAP basketball na hindi ko naman maiwasan, hihina na ang Ateneo sa susunod na taon.

Akala ko ay makakabawi ang UST sa larong ito, katulad ng nangyari noong 2006. Magkatunggali ang dalawang pinaka-matandang kolehiyo sa Pilipinas noong taong iyon, kung saan nanalo ang Ateneo sa unang laro, pero nasungkit ng UST ang sumunod na dalawang laro patungo sa pagiging kampeon! Gustung-gusto ko pa naman ang cheer ng UST na “Go Uste, Go Uste!” Pero hindi naulit ang kasaysayan para sa UST at nagwagi ang Ateneo sa kanilang “pagbawi”, ika nga, sa naganap noong 2006.

Ang sabi ko nga ay siguro tama rin na makuha na ng Ateneo ang championship ngayong taon, dahil hindi na ganun kalinaw ang kanilang kinabukasan bilang isang malakas na team sa basketball, gawa ng pagkalas na nga ni MVP, at ilang beteranong manlalaro na graduate na sa paglalaro. Malay natin, baka may mga bagong manlalaro na ang gusto lang ay maging bahagi ng Ateneo, at hindi dahil maraming mga benepisyong mabibigay sa kanila. Pero hindi talaga malayo sa basketball si MVP. Nagbigay ng P5 milyon donasyon sa UP Maroons, bilang pagsuporta sa kanilang mga programang sports, dahil bilib daw siya sa diwa ng UP na kahit talo at kulelat ay nakataas pa rin ang noo at malakas pa raw mang-alaska. Tila may pinatatamaan, ano?

Show comments