EPEKTIBO ang mga pamamaraan ni NCRPO director Chief Supt. Leonardo Espina para malagas ang mga criminal sa Metro Manila. May pulis na sa kalye kaya nakakaresponde na sa mga krimen.
Mula nang maupo si Espina maraming kriminal na ang nasakote. Ang pruweba ay nang masakote ang kilabot na Osamis robbery group sa Cubao, Quezon City. Hindi na rin nakakalusot ang mga holdaper sa jeepney dahil pinakawalan ni Espina ang mga secret marshall.
Ang masakit lang, may ilang pulis na namamatay dahil sa riding-in-tandem. Kabilang diyan si PO1 Ryan Bagadiong ng Manila Police District-Ermita, Station-5. Iniutos ni Espina tugisin ang mga salarin na pumatay sa pulis.
May mga pulis na itinalaga sa mga barangay kaya hindi na sila puwedeng magbulakbol. Maging ang mga 15/30 na pulis ay pinalutang na ni Espina upang magpatrulya sa kalye at sa mga checkpoint. Unti-unti nang nahuhubaran ang kotong cops.
Tama itong ginagawa ni Espina dahil ang mga pulis ay sumasahod dahil sa buwis ng taumbayan. Obligasyon nilang pangalagaan sa kuko ng mga salarin. Sana ang sinimulan ni Espina ay magtuluy-tuloy at hindi ningas cogon. Ambisyon pa naman niya na ma-ging PNP chief.
Kilala si Espina na ka-text mate ni P-Noy kaya takot ang mga pulis sa Metro Manila. Pero mukhang umiba na rin ang turing ng mga imbestigador sa media men lalo sa crime scene. Mahigpit na ipinagbabawal ni Espina ang pag-interbyu sa crime investigators sa crime scene.
Mukhang may itinatago at pinagtatakpan.
Noon ay pinagbawal na rin ito dahil nais ng PNP chief ay opisyal ang magpapaliwanag sa buong pangyayari.
Kaso uutal-utal ang pagsagot ng mga opis-yales dahil hindi nila alam ang pangyayari sa crime scene. General Espina, pakilinaw ang gusot na iniaalma ng mga mamamahayag.
Abangan!