SINABI kahapon ni Comelec chairman Sixto Brillantes na marami pa silang wawalisin na party-list group. Ito umano ang mga party-list na hindi naman talaga nagre-represent sa marginalized sector o mga maliliit at mahihirap. Sa madaling salita, ito ang mga party-list na ang mga representante sa Kongreso ay mga milyonaryo. Noong Miyerkules, 13 party-list group ang sinibak at ayon kay Brillantes, marami pang susunod. Ayon pa kay Brillantes, hindi dapat malungkot ang Ako Bicol party-list sapagkat hindi sila nag-iisa. Marami pang sisibakin.
Ang Ako Bicol ay isa sa mga party-list na hindi na pinayagan ng Comelec na makalahok sa 2013 elections. Kontrobersiyal ang Ako Bicol sapagkat nirerepresent nila ang rehiyon ng Bicol na mayroon namang regular na representative. Napag-alaman din na ang mga representative ng Ako Bicol na sina Atty. Alfredo Garbin, Atty. Rodel Batocabe at businessman Zaldy Co ay may mga networth na umaabot ng milyun-milyong piso. Paano nga naman magiging kinatawan ng marginalized sector ang Ako Bicol kung ubod ng yaman ang mga kumakatawan sa grupo? Ayon naman sa mga representatives ng Ako Bicol naghain sila ng motion for reconsideration sa Supreme Court. Ang Ako Bicol ang nakakuha nang pinaka-malaking boto noong 2010.
Maganda ang ginagawa ng Comelec na pagwalis sa mga “pekeng” party-list. Sa pamamagitan ng pagsuri sa mga grupo, hindi na masasayang ang buwis ng taumbayan na pinangsusuweldo sa mga party-list representatives. Ang nakapagtataka lamang, habang may winawalis ang Comelec, meron din naman silang inaaprubahang grupo. Ano ito? Umano’y na-accredit ng Comelec ang party-list na nagre-represent sa mga maliliit na businessman. Ang representative nito ay galing din naman sa mayamang pamilya at kilalang pulitiko.
Kung ang hangad ng Comelec ay maging malinis ang party-list group, dapat hindi na nila pinapayagan na makalusot ang mga mayayamang kinakatawan. Kung nais nilang pagtiwalaan, hindi sana maging kuwestiyunable ang kanilang pag-accredit sa ibang grupo. Sana rin hindi maging malambot ang Comelec kapag ang isang party-list group ay identified sa kasalukuyang administrasyon. Kung mahigpit sa lahat, ipatupad ito.