MABUTI at nalambat na ang FX taxi robbery gang. Ayon kay Parañaque City Police chief Sr. Supt. Billy Beltran, bukod sa paglimas sa mga mahahalagang kagamitan at salapi ng mga biktima, pinagnanasaan pa ang mga pasahero matapos bugbugin at ibababa sa madidilim na lugar. Kung sa Maynila nalambat ang grupo, tiyak na may kalalagyan sila sa kalye.
Ako mismo ang tumawag sa Parañaque police noong hatinggabi ng Martes. Tumawag sa akin ang biktimang si Richard “Bading”. Pinakawalan daw siya sa Pedro Gil, Malate, Manila. Itinawag ko sa Parañaque City Police na agad namang itinawag sa Regional Tactical Operation Center ng National Capital Region Police Office. Nalambat ang grupo.
Ayon kay Richard, nag-aabang siya ng masasakyan sa may Evacom sa Dr. A. Santos Avenue, Palanyag, Parañaque City dakong 10:45 ng gabi nang dumaan ang isang FX Taxi na may malamlam na ilaw sa harapan. Kahit na madilim sa loob ay kampante siyang sumakay dahil may pitong pasahero ang naturang FX ngunit pagsapit sa Pildira, MIA Road, Pasay City, bumaba ang dalawang mag-asawa kaya lima na lamang silang natira kasama ang driver.
Nakadama umano siya ng kaba dahil ang mga pintuan ng FX ay hindi nabubuksan sa loob kaya ang driver ang bumababa para buksan ito. Pero kahit kinakabahan, nakampante ang kanyang sarili dahil may magsiyota na nakaupo sa harapan at isang lalaki naman ang nasa likuran niya. Nang nasa Roxas Boulevard na sila, biglang natumba ang upuan ng magsiyota at nadikdik siya ng babaing katabi. Doon na siya tinutukan ng baril ng lala-king nasa likuran habang nililimas ng babae ang kanyang mga kagamitan. Hindi pa nakuntento ang lalaking nasa harapan, hinubaran siya ng pantalon at sinuntok sa magkabilang mata.
Tuluy-tuloy ang takbo ng FX sa Roxas Blvd. Nang sumapit sa Pedro Gil St. kumanan ito at nang makalampas sa Robinson Mall, doon na siya hinila pababa. Agad na humingi si Richard ng tulong sa barangay outpost. Doon ako tinawagan ni Richard. Agad akong tumawag sa Parañaque police. Sa ngayon, naghihimas na ng rehas ang grupo.
Salamat at tinugon ni Sr. Supt. Billy Beltran ang rekla-mong ipinarating ko sa kanila. Congratulations, NCRPO chief Leonardo Espina sa magandang accomplishment ng iyong mga tauhan. Abangan!