Marami nang dekorasyon sa mga mall kaug- nay sa Halloween. May mga sapot ng gagamba sa mga eskaparate, may mga paniki, palakol na nakabaon sa dumudugong ulo at kung anu-ano pang mga nakakatakot na displey. Sa department store, tiyangge at maski sa sidewalk vendor ay marami nang ibinibentang mga maskara — may maskara ni Kamatayan, zombies, mangkukulam, aswang, at kung anu-ano pang creatures na katatakutan. Mabenta ang mga maskara at costumes sapagkat maraming magdadaos ng Halloween party. At pagkatapos ng Halloween, Christmas party naman ang paghahandaan kung saan may mga gumagamit din ng maskara at iba pang costumes.
Pero alam n’yo bang ang mga maskarang ibinibenta ay pinaniniwalaang may taglay na toxic materials na masama sa kalusugan. Umano’y ang toxic na nasa maskara at ibang costumes ay nagdudulot ng cancer. Kapag nalanghap ang toxic materials na nasa maskara, lubhang delikado lalo sa mga bata.
Nagsagawa ng test ang Ecowaste Coalition noong nakaraang buwan sa 60 Halloween products at natuklasan na may mataas na toxic metal ang mga ito. Ang mga produkto ay nagkakahalaga ng P10 hanggang P350. Sa murang halaga ng mga maskara, madaling makakabili ang mga bata. Umano’y marami ring mga maskara ang inilalako at ang mga ito’y nagtataglay din ng toxic metals. Ipinapayo ng EcoWaste na huwag hayaang makabili ng mga maskarang ito ang mga bata. Nagbigay sila ng babala kaugnay sa toxic na makukuha sa mga maskara at iba pang laruan.
Matagal nang napabalita ang mga toxic sa mga produktong bumabaha sa bansa. Karamihan umano ay smuggled goods. May kontaminadong gatas, chocolates, candies at tinapay. At ngayon ay mga maskara at laruan.
Ngayong nagpapaalala ang EcoWaste, mas maganda kung magsasagawa ang Department of Health at Department of Trade and Industry nang pag-iimbestiga ukol sa toxic na nasa maskara. Magkaroon ng pagsusuri at kung mapatunayan, samsamin at sunugin ang mga ito. Gawin ito bago maging huli ang lahat.