^

PSN Opinyon

'Ang bata sa papag'

- Tony Calvento - The Philippine Star

Iba ang hapdi ng malalim na sugat dahil kikirot ito sa pananariwa’t pamamaga subalit maglangib at maghilom ito’y babakas pa rin sa gunita ng nasugatan.

Bakas pa rin sa murang isipan ng anim na taong gulang na si “Joana”(‘di tunay na pangalan) ang nangyari isang madaling araw sa kanyang ama na si Mauro “Jun” Padiernos—32 na taong gulang at sa isang babaeng nagpapatawag sa kanyang “Tita Mommy” na si Janet.

Isang taon pa lang nakakalipas, ngunit parang winawakwak na pilat pa rin ito sa balat kapag ito’y bumubukas sa kanyang ala-ala.

Tuwing mababanggit ang ama at ang kinakasama nito’y napapatakip siya ng tenga, tila umiingit pa rin ang lumala­ngitngit na papag at mga halinhing na nagmumula sa babaeng hindi niya ina.

Ang akala niyang nagmula sa isang panaginip ay totoo pa lang nangyayari sa kanyang tabi.

Kaluskos ng nagkikiskisang balat at yumuyugyog na higaan ang gumising sa kanyang mahimbing na pagtulog. Habang patuloy ang pagyanig, paulit-ulit na dasal ni Joana na.. “Sana po mag-umaga na..”.

Nangyari ang ganito nung kinuha ni Mauro ang bata upang sa kanya muna pumisan. Nang bumalik si Joan sa inang si Evangeline “Beng” Gianan—32 na taong gulang, sinumbong niya ang kanyang nasaksihan.

Biglang siklab ang galit ni Bheng sa asawa, “Kung hindi pa kayo masahol sa aso! Hindi ka na nahiya! ‘Di pa kayo namili ng pwesto at talagang ginawa n’yo pa sa harap ng anak mo!”.

Sawa na umano si Bheng sa pambabae ng asawa at ang gusto na lang niya’y sustentuhan ni Mauro ang tatlong anak. Ang problema, ang naiisip na solusyon ni Mauro ay kunin ang pangangalaga sa mga bata.

Agad umalma si Bheng ukol dito. Nagkaroon ng mga pagkakataon na halos hindi niya pinalalabas ang mga anak nang hindi siya kasama bunga ng banta na anumang oras ay kuhanin sila ng walang paalam ni Mauro.

Madalas umanong magpaalala si Bheng kay Mauro upang padalahan niya ng pantustos ang kanyang mga anak subalit laging ang kabit nitong si Janet ang sumasagot sa kanyang mga text message.

“Kung gusto n’yo ng pera, kayo ang pumunta dito. At siya nga pala, wala nang trabaho si Mauro sa’kin lang nakadepende to, kaya’t ‘wag na kayong umasa na padadalhan pa kayo,” sabi umano ni Janet.

Pinipilit naman ni Bheng na pagkasyahin ang kanyang kinikita sa maliit niyang tindahan ngunit naiisip rin niyang makabalik muli sa pamamasukan bilang ‘sales lady’ katulad nang bago niya nakilala si Mauro.

Abot ang pag-ismid ni Bheng nang mabanggit ang panahon nung una silang magkita ng asawa.

“Pasahero ako no’n sa bus, sa halip na ticket yung palad ko ang inabot,” kwento ni Bheng sabay putol niya at sinabing, “Pero wala na akong pakialam kay Mauro at hindi ko na siya mahal, ang importante yung sa mga anak ko.”

Nung nakaraang taon ay nailatahala na namin ang yugtong ito sa buhay ng mag-iina. Ngayon nakangiting ibinalita sa amin ni Bheng na nahuli na si Mauro at kasalukuyang haharap sa pagdinig sa kasong RA 9262 o Violence against Women and Children. Pinagtataka lang ni Bheng, nitong nakaraan ay nakapagpiyansa ito ng 24,000Php upang makalaya.

“Kung sana pinangsustento na lang niya sa mga anak niya yung pinang-piyansa niya,” yamot na sinabi ni Bheng.

Kwento ni Bheng na nung nakaraang Pasko ay nagpaabot ng dalawang daang piso itong si Mauro sa kanyang tiyahin. Agad niyang nilista ang mga serial number nito at hindi ginastos hanggang ngayon.

“Baka mamaya kapag nagharap kami sa korte sabihin niya dalawampung libo sa halip na dalawang daan ang inabot niya!,”.

Para kay Bheng, laban ito para sa karapatan ng kanyang mga anak at para makapagsimula silang muli.

Itinampok namin sa CALVENTO FILES sa radyo “Hustisya Para Sa Lahat” ng DWIZ882 khz (tuwing 3:00 ng hapon) ang kasong ito ng mag-iinang Bheng, Joana at dalawa pa niyang nakababatang mga kapatid.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, nakitang tuntungan ng korte bilang paglabag sa RA 9262 ang naranasang banta na kunin na lang nang walang maayos na pakikipag-usap ang mga bata mula sa poder ng ina. Nangangahulugang nakalikha ito ng takot sa kanila kaya’t nagkaroon ng pagpigil na sila’y maayos na makagalaw at makapamuhay.

Ang pagbibigay ng kundisyon ni Mauro na sa kanya mapunta ang mga bata kung gusto ng sustento ay isang bagay na dapat pinagdedesisyunan ng korte at hindi siya. Mauubos ang tigas niya kapag ang hukuman na ang nagsalita. Kay Mauro, ang responsibilidad mo bilang isang ama ay hindi mo matatakasan sa pamamagitan ng pagtatago sa palda ng iyong kinakasama.           

Sa ginawa ni Mauro, hindi na niya binigyang respeto ang damdamin ni Joana kung saan nakita siya’y nakikipagtalik sa ibang babae, ito’y gawaing hindi dapat na ipinapakita pa sa bata.

Madalas na maipit ang mga anak sa mga giriin ng mga magulang. Kahit hindi maayos ang ugnayan nila’y dapat isinasaalang-alang pa rin nila higit sa lahat ang kapakanan ng mga bata.

Tama lamang ang ginagawa ni Bheng na makabalik sa pagtatrabaho, upang hindi lamang sa sustento ng asawa sila umaasa. At hanga kami sa pagkakaroon ng buong loob ni Bheng upang ilaban sa korte ang sustento para sa mga anak na inabandona ng kanilang ama.

(kinalap ni Pauline F. Ventura)

Sa gustong dumulog ang aming numero ay 09213263166 o 09198972854 o 09213784393 . Ang landline, 6387285/7 hotline 7104038. Maari din kayo magpunta sa 5th floor City State Center Blg. Shaw Blvd., Pasig City mula Lunes-Sabado.

 Follow us on twitter: Email: [email protected]

vuukle comment

BHENG

JOANA

MAURO

NIYA

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with