Mahina ang koleksiyon ng Customs
Noong isang linggo, inatras ni Customs Commissioner Ruffy Biazon ang kanyang ambisyon na mapabilang sa senatorial bet ni President Noynoy Aquino. Siyempe maraming “hao-shiao’’ na mga “media kuno” na komokober sa Customs ang nanghinayang dahil natigil na ang viewing o press conference na inoorganisa ni alias “Glenda”. Kaya maging ako ay nasisi ng mga “hao-shiao” sa pagkaputol ng daloy ng datung mula kay Glenda. Ngunit marami pa rin sa mga kapatid ko sa hanapbuhay ang natuwa sa aking pagbanat sa korapsyon sa Customs. Kasi nga kung patuloy na mamayani ang pango-ngorap ni Glenda sa hanay ng media personalities tiyak na mabubulid at bababa ang tingin ng publiko. Kaya sa mga kapatid ko na nasagasaan, sorry na lang sa inyo.
Dahil umatras na nga si Biazon sa senatorial bet ni P-Noy, dapat lamang na harapin na niya nang makatotohanan ang kanyang ahensiya na ayon sa aking mga nakausap na brokers sa South Harbor, malaking halaga ang ibinaba ng duties and taxes. Kawawa naman si Finance secretary Ceasar Purisima sa pagkukumahog na mapalaki ang koleksyon ng buwis. Ayon sa aking mga kausap, noong panahon umano ni dating Customs commissioner Lito Alvarez ay tumataginting na P80-90K bawat container ang nakokolekta sa mga inilalabas ng brokers, subalit sa ngayon ay sisinghap-singhap na P40K na lamang. Susmaryusep! Kaya naman pala nagpipiyesta ang mga smuggler sa bakuran ni Biazon dahil bukod sa nakakalusot na ang kanilang kargamento sa X-Ray machine sa departamento ni Collector Lourdes Mangauang eh mas pinababa pa ang bayarin sa duties and taxes.
Mukhang hindi nakumbinse itong aking mga kausap sa walang puknat na pa-viewing o press presentation ni Glenda dahil hindi nila nalambat ang mga tunay na player sa pagpupuslit ng mga kargamento sa South Harbor at Manila International Container Port (MICP). Kaya upang kagatin ng mga “hao-shiao” ang papogi point ni Biazon ay kailangan na mamudmod si Glenda ng datung. Kaliwa’t kanan din ang pagbubukas ng mga kontrabando sa Port of Manila, Subic Free Port at maging sa Ninoy Aquino International Airport subalit wala silang nahuling nagmamay-ari ng mga kontrabando. Kaya’t tuloy puro demanda na lamang ang inaatupag ni Biazon. Ang masakit, ni wala pang napaparusan o nabibitay sa mga smuggler na sinampahan ng kaso ni Biazon sa Department of Justice. Kaya’t upang makatulong sa moro-morong programa ni Biazon, tatalakayin natin sa susunod ang mga Big Time Player sa Customs.Abangan!
- Latest
- Trending