“Dr. Elicaño, magandang araw po. Ano po ba ang mga sintomas ng scoliosis? Kasi po pakiramdam ko ay nakukurba ang aking likod. Ano ba ang dahilan at nagkakaroon ng ganitong sakit?” — MARITES LINGON, Imus, Cavite
Ang scoliosis ay ang curvature ng gulugod (spine). Kapag titingnan, para itong letter “S”. Walang sintomas ang scoliosis maliban na lamang kung halatang-halata ang pagkakurba ng spine. Kapag ang abnormal na curvature ay nadedebelop, unang mapapansin ng pasyente ay nahihirapan siyang magsuot ng damit, hindi pantay ang kanyang mga balikat. Kapag malala na ang scoliosis, nagkakaroon ng deformity ang tadyang at lumiliit ang lung capacity.
Ang mga posibleng dahilan ng scoliosis ay: 1) congenital deformities ng vertebrae o buto sa gulugod; 2) neurofibromatosis, isang sakit sa nervous system; 3) pagkakaroon ng polio; 4) muscular dystrophy, ang muscles ng spine ay paralisado o mahina; at 5) hindi pantay na haba ng mga legs.
Ang pinaka-common na scoliosis ay ang tinatawag na “idiopathic”. Walang masabing dahilan kung bakit nagkakaroon ng ganitong uri ng scoliosis. Ito ay tumatama sa mga adolescence at karaniwang mga kababaihan ang nagkakaroon. Kapag ang uri na ito ay tumama, kailangan ang specific exercises para mapalakas ang muscles sa likod. Nararapat lagyan ng brace at plaster casts ang likod upang maiwasan ang grabeng deformity. Kapag grabe ang curvature, operasyon ang kailangan.
Kapag maagang na-detect ang scoliosis maaagapan ito. Dapat magkaroon ng early detection program sa mga school para ma-screen ang mga estudyante.