UNA sa lahat ay binabati ko ang Metropolitan Bible Baptist Church and Ministries sa pamumuno ni Senior Pastor at dating Manila Rep. Benny M. Abante Jr. sa pagdiriwang bukas ng ika-37 anibersaryo. Kaugnay nito, ang kanilang worship service ay ibo-brodkas sa buong daigdig nang “live.” By the way, si Ptr. Abante ay may maningning na career bilang mambabatas at dahil hinirang nang apat na ulit bilang Most Outstanding Congressman (2006 hanggang 2010.) Congrats po sa inyong anibersaryo.
* * *
Kamakailan, inihayag ni TESDA Director General Joel Villanueva na hindi na siya tatakbo sa Senado dahil mas ibig ni Presidente Aquino na manatili siya sa gabinete.
Pero tila nagbago ang hihip ng hangin. Kinukonsidera umano ng Palasyo at Liberal Party na muling kausapin si Villanueva at himuking kumandidatong senador. Kasi, nagkulang pala ang line-up ng administrasyon sa pag-atras ni Customs Commissioner Ruffy Biazon. Tinangka rin umanong i-recruit sa partido ng Pangulo si Senadora Loren Legarda pero ito’y tahasang tumanggi.
Ang gusto ko kay Joel ay isa siyang team player. Nang naunang sabihin ng Pangulo sa kanya na manatili sa gabinete sapagkat epektibo siya rito ay hindi na siya nagpumilit. Pero inamin ni Joel na talagang ibig niyang kumandidato sa pagka-senador.
Kahit ang Philippine for Jesus Movement ay umapela sa Pangulo na ikonsiderang maisama sa senatorial line-up si Sec. Villanueva. Sa personal ko’ng pananaw ay magiging mabuting senador si Joel. Mayroon siyang mga fresh ideas na naipatupad sa TESDA at ang kanyang ideyalismo ay nag-aalab pa. Wika nga kailangan natin ang “new blood.”
Kahit ang Partylist bloc ng Kamara ay humihimok kay Pangulong Aquino na patakbuhing senador si Sec. Joel dahil ito ang kanilang magiging boses sa Senado at magiging boses din ng kabataan.
Kasama ako sa dalangin na makabilang sa senatorial slate ng Liberal Party si Sec. Joel.