Editoryal - Hamon sa DSWD ang mga batang kalye
DUMAMI pang lalo ang mga batang kalye nga-yon. At hindi lang sila basta nasa kalye kundi gumagawa na ng krimen. Karaniwang gawain ng mga batang kalye ang mang-snatch ng cell phone, bag, at iba pa, magnakaw ng kagamitan sa mga sasakyang naiipit sa trapik, magnakaw ng mga paninda sa mga biyahero at ang matindi ay ang mangholdap. At sa pagdami ng mga batang kalye, wala namang ginagawang aksiyon ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) kung paano malulutas ang problema. Hindi na dapat balewalain ang problemang ito sapagkat malubha na ang ginagawa sa mamamayan. Naghahatid ng takot ang mga batang kalye na anumang oras ay sumasalakay sa mga taong walang kamalay-malay.
Maraming beses nang nabulgar ang ginagawang krimen ng mga batang kalye sa Kamuning area. Lantaran ang panghahablot ng cell phone, kuwintas, hikaw at iba pang gamit sa nabanggit na lugar. At wala ngang ginagawang paraan ang mga awtoridad para matigil ang ginagawa ng mga palaboy na bata. Noong Lunes, isang high school student ang pinagtulung-tulungang bugbugin ng mga batang kalye sa kanto ng EDSA-Kamuning. Pauwi na umano ang estudyante nang makasalubong ang grupo ng mga palaboy na bata. Bigla siyang pinagtulungang bugbugin. Pawang pasa at kalmot ang natamo ng estudyante.
Marami ring palaboy na bata sa Dimasalang Bridge at Blumentritt. Nag-aabang ang mga ito ng mga biyaherong trak. Inaakyat nila ang mga trak at saka nila nanakawan. Pati ang mga gamit ng trak ay ninanakaw nila.
Sa kanto ng Bonifacio Ave. at Mayon ay nagkalat din ang mga batang palaboy na nambibiktima rin ng motorista. Kapag may nagbukas ng bintana ng kotse ay mabilis silang sumasalakay at hina-hablot ang mga bagay sa loob ng kotse.
Noon pa napabalita ang mga batang hamog sa Guadalupe, Makati City na nambibiktima ng mga pa-sahero ng taxi. Ngayon, balik na naman sa dati ang operasyon doon at tila natutulog ang mga pulis. Marami ring nambibiktima sa Osmeña Highway. Lantaran ang panghoholdap ng mga batang palaboy.
Malaking hamon sa DSWD ang problemang ito. Sana, magkaroon ng konkretong solusyon kung paano wawalisin sa kalsada ang mga batang palaboy na nagiging banta sa mamamayan. Hindi lang DSWD, pati PNP ay dapat maalarma sa mga batang nagiging kriminal.
- Latest
- Trending