NANG pumasyal sa ating editorial office si TESDA Director General Joel Villanueva kamakailan, sinabi niya na talagang gustong-gusto niyang tumakbo sa pagka-senador. Pero kung sasabihin sa kanya ng Pangulo na manatili sa Gabinete, wala siyang magagawa kundi sumunod.
At iyan na nga ang sinabi sa kanya ng Pangulo. Manatili sa Gabinete imbes na tumakbo sa Senado sa 2013.
Malaking reporma ang nagawa ni Joel sa TESDA. Malaking tulong ang ahensya dahil nakapagkaloob ng skills sa marami nang mga Pilipinong nagtatrabaho na sa ibang bansa.
Sa isang press conference kamakailan, sinabi ni Joel na nakumbinsi siya ni Pangulong Benigno Aquino III na manatili na lamang sa Gabinete sa halip na tumakbong senador.
Kung kakayahan ang pag-uusapan, kuwalipikado si Joel na mag-senador. Iyan ang kailangan natin. Mga matatalinong kabataan na may ideyalismo at hindi pa nilalamon ng masamang sistema. Pero bilang isang team player, hindi na nagpumilit pa si Joel sa kagustuhang kumandidato. Tama iyan. Baka maunsiyami ang mga repormang sinimulan na niya sa TESDA. Kaso, may mga ugong tayong naririnig na baka malipat siya ng ahensya tulad ng Philippine Charity Sweepstakes Office. Harinawang nagkakamali tayo.
Nang tanungin ko si Joel kamakailan kung may ibang departamento siyang ibig hawakan ay natigilan siya at tinutop ng palad ang noo kasabay ng buntong hininga. Ibig sabihin, sadyang sa TESDA naroroon ang kanyang alab at init.
At sadyang nakita naman natin ang passion ni Joel mula nang hawakan ang TESDA na noong araw sa ilalim ng lumang administrasyon ay sinaklot ng mga katiwalian.
Ayon sa isang source sa Palasyo, nanghihinayang si P-Noy sa mga nagawa ni Joel sa TESDA kaya nais nitong makasama na lamang ito sa Gabinete.
Sabi ni Joel, kahit pumasok man siya sa magic 12 ng survey ay tatalima pa rin siya sa nais ng Pangulo na manatili sa gabinete. Wise decision Joel. Marami pang darating na pagkakataon para sa iyo.