Nabubulok na kasaysayan

Nasulat ko na noon na mahina tayo sa pag-aalaga ng mga makasaysayang lugar at kagamitan. May mga makahulugang lugar sa Metro Manila na hindi na mapapansin dahil sa dumi, o kaya’y tinakpan na ng kung anu-ano, o kaya’y tinirhan na ng tao! Mga rebulto, monumento o pala­tandaan ng mga makasaysayang lugar. At ang bagong biktima ng ganitong hindi pag-aalaga ng mga kagamitan sa kasaysayan ay ang mga sapatos mula sa sikat na koleksyon ni Imelda R. Marcos!

Nakita ang kanyang malawak na koleksyon ng sapatos – higit isang 1,000 pares – at iba pang mga damit at baro, nang umalis sila sa Palasyo noong 1986 EDSA revolution. Pero dahil sa pabaya, marami na sa mga sapatos at baro ay pinagpiyestahan na ng anay, tinubuan ng amag at nasira na lang dahil sa maling pagtago ng mga ito. Patunay na naman na hindi talaga tayo maalaga sa ating kasaysayan. Mabuti na lang at may mga sapatos palang nahiram ng isang museo sa Marikina noong 2001. Lumipas ang Ondoy noong 2009 at ilang dosena lamang ang nasira, dahil na rin sa tamang pagtago at alaga sa mga ito. Patuloy na pinupuntahan pa rin ang museo ng mga bisita, lokal at dayuhan, dahil sa mga sapatos na naka-display.

Kaya bakit pa tayo magtataka kung marami sa kabataan ngayon ang hindi alam ang martial law, kung kailan naganap ito at kung sino ang mga nasa likod nito. May mga hindi nga alam ang EDSA revolution! Ika-40 anibersaryo ngayon ng pagdeklara ni dating President Marcos ng martial law, kung saan nagsimula ang madilim na bahagi ng kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas. Maraming biktima ng Martial Law ang hindi na makita. At hanggang ngayon ay ipinaglalaban pa rin ng mga biktima ang katarungan! 

Dapat pangalagaan ang ating kasaysayan. Mara-ming matututunan ang kabataan, pati na mga matatanda tungkol sa napakakulay nating kasaysayan mula pa nung panahon ng Kastila! Sayang naman kung mababaon na sa limot, o sa basura ang mga lugar at kagamitan na makabuluhan sa ating kasaysayan! Katulad niyan, kilalang-kilala na sa buong mundo ang koleksyon ng sapatos ni dating first lady Imelda Marcos. Sayang naman kung masisira o mabubulok na lang lahat, eh bahagi na ng kasaysayan iyan.

Show comments