Editoryal - Tuwang-tuwa ang drug syndicates

 Walang ibang natutuwa sa nangyayaring bangayan sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) kundi ang mga sindikato ng droga. Habang patuloy ang bangayan nina PDEA director general Jose Gutierrez at Deputy director for operations Carlos Gadapan, lumalawak nang lumalawak ang operasyon ng drug syndicates. Sinasamantala nila ang mga pagbabangayan para lubusang maikalat ang kanilang negosyo hindi lamang sa Metro Manila kundi sa buong bansa. At kung hindi magkakaroon ng kaayusan sa PDEA, maaaring mangibabaw ang sindikato ng droga at sila na ang maghahari sa bansang ito. Sa dami ng pera ng sindikato, kaya nilang maglagay ng tao para mamuno at kontrolin ang lahat sa bansang ito. Iyan ang tinatawag na narcopolitics. Ang ganitong kalagayan ay nangyayari sa ilang bansa sa South America na hawak ng sindikato sa leeg mga pulitiko. Kayang-kaya nilang wasakin ang bansa.

Dalawang linggo na ang bangayan sa PDEA at tila hindi pa matatapos. Kahapon, humarap na sa Senado sina Gutierrez at Gadapan. Wala pang nareresolba sa isyu. Nagsimula ang bangayan nang sibakin ng Malacañang si Gadapan sa puwesto. Buwelta ni Gadapan, nasibak siya dahil isinumbong niya ang asawa ni Gutierrez na lulong na sa casino. Dagdag pa ni Gadapan, maraming utang ang asawa ni Gutierrez kaya pati pondo ng PDEA ay nagagamit nito.

Ayon naman sa asawa ni Gutierrez, hindi siya lulong sa sugal at lalong hindi niya ginagamit ang pondo ng PDEA gaya ng sinasabi ni Gadapan. Malaking kasinungalingan umano ang sinasabi ni Gadapan.

Ayon naman kay Gutierrez, ang drug syndicates ang gumagawa ng paraan para siya matanggal sa PDEA at tao nila ang ipupuwesto rito. Sinisira umano siya ng sindikato para mapaalis sa tanggapan.

Walang ibang nakikinabang sa bangayan sa PDEA kundi ang mga salot na drug syndicates. Nararapat na tapusin na ng PDEA ang bangayan at magsagawa ng epektibong paraan para malipol ang drug syndicates. Pagtulungang durugin ang sindikato ng droga para mailigtas ang mamamayan sa pagkalulong.

Show comments