'Epal' ipa-disqualify, anang poll lawyer
HINDI kuntento si batikang election lawyer Romulo Macalintal sa paglalantad at pagpapahiya sa mga mapapel — “epal” — na politiko. Gusto niya, ihabla sa Comelec ang mga ito, para i-disqualify sa halalan.
Ani Macalintal, ang pagpaskel ng “epal” posters at banners ay pasimpleng pangangampanya para mahalal sa pareho o ibang puwesto. Ilegal dahil premature campaigning ito. Paglabag sa Section 13 ng Omnibus Election Code, dahil sa Pebrero pa ang campaign period para sa May 2013 election. Ang parusa rito ay disqualification ng kandidatura. Kaya ang payo ni Macalintal: ihabla ang “epal” sa Comelec.
Ani Macalintal, kahit sinong mamamayan na “unjustifiably annoyed or vexed” -- asiwa na sa “epal” posters o banners -- ay maaring ihabla ang “epal” na politiko. Ang kaso: unjust vexation, na Article 287 ng Revised Penal Code, ay may parusang pagkulong ng isa hanggang 30 araw. Ito’y dahil sa pang-iinis, pang-aasar, pagpapabigat, pagpapahirap sa pag-iisip ng tao na pinatutungkulan ng “epal” poster o banner. Ipinaliwanag ito ng Korte Suprema sa Maderazo v People, 26 Sept. 2006.
Dagdag pa ni Macalintal para sa mga taga-Metro Manila, maari rin ihabla ang “epal” na politiko dahil sa illegal signages. Meron kasing MMDA Regulation No. s99-006, na ipinatupad mula 16 Sept. 2010. Ipinagbabawal nito ang ilegal na pagpapaskel ng billboards, posters at streamers na walang pahintulot ng city hall o munisipyo. Pagpapatupad ito ng Anti-Littering Law (R.A. 9003).
Hala, sige, ihabla na ang mga “epal”! Kapag napa-sentensiyahan sa korte, puwede na sila ipa-disqualify sa Comelec.
Pinaka-mabuti kung ang mga katunggali mismo sa pulitika ang maghabla sa “epal” na governor, mayor, konsehal, congressman, atbp.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM). E-mail: [email protected]
- Latest
- Trending