Nitong nakaraang summer, katakut-takot ang delays at cancellation ng mga pampasaherong biyahe sa Ninoy Aquino International Airport. Sa pag-angat ng ekonomiya, nagbunga ng epekto sa turismo na siya namang sinabayan ng kaliwa’t kanan na budget promo ng mga airline companies. Dumami ang bumibiyahe at dumoble ang mga eroplano. Hindi naman nadagdagan ang airport kaya barado sa traffic ang mga runway.
Ang naging pansamantalang remedyo ay reduksyon sa bilang ng biyahe sa NAIA. Subalit alam natin na hindi ito permanenteng solusyon. Wala tayong ibang choice kung hindi damihan ang mga runway at ang kapasidad ng NAIA na tanggapin ang karagdagang pasahero. Sa kasalukuyang kalagayan ng NAIA ay malabo na itong gawin. Wala nang lugar sa airport upang tayuan pa ng runway. At hindi na rin lalapad ang mga kalye at daan patungong airport upang serbisyuhan ng mabuti ang mga additional na pasaherong paalis at padating. Kaya ang ating mga opisyal at urban planner ay nakatingin na sa mga lalawigan para sa expansion ng ating airport system. Hindi bubuwagin ang NAIA 1, 2 and 3. Sa halip ay magtatayo ng bagong airport sa karatig pook ng Metro Manila.
Kung ang San Miguel Group ang masusunod, sa Bulacan itatayo ang bago at modernong World class airport. Ikakabit sa Metro Manila sa pamamagitan ng bagong MRT at bagong skyway. May iba namang nagpapanukala ng airport sa Cavite, katabi ng dating Sangley point airbase. Hindi rin kalayuan, ikakabit din ito sa Metro sa pamamagitan ng skyway at mass transit. Alinman sa dalawang proyektong ito ay malugod na tatanggapin ng taumbayan. Siyempre, nandyan na ang Macapagal Airport sa Pampanga na nakakabawas din nang malaki sa problema ng NAIA.
Halos lahat nang malaking siyudad sa ating rehiyon ay nakapagpatayo na ng mga mas magara at malawak na paliparan. At karamihan nito’y dinala sa labas ng kanilang metro area upang mapakinabangan ang mas malaking lupain, sabay makabawas sa traffic sa pinanggalingan at makatulong pa sa ekonomiya ng lilipatan. Oras na para sumunod ang Pilipinas at makabilang sa hanay ng mga kapitbansang may showcase ng asenso at pag-unlad sa isang tunay na magandang paliparang pandaigdig.