'Illegal settlers sa waiting shed'
Panandaliang pananggalang ng mga tao sa panahon at anumang pagkakataon ang mga waiting shed. Subalit paano kung ang pampublikong istrukturang ito ay angkinin at gawin nang pribado?
Inilapit sa BITAG ng mga magulang ng mga estudyante sa isang Day Care Center sa Cubao, Quezon City ang waiting shed sa tabi ng eskwelahan. Isinusumbong nila ang pananakop ng ilang illegal settlers sa espasyo na inookupa ng waiting shed sa kanilang lugar.
Kaya’t ang mga magulang at estudyante, lagi na lang kunsumido dahil wala nang masilungan lalo na ngayong tag-ulan.
Idagdag pa ang ingay at masasangsang na amoy dahil ang dating waiting shed, ginawa nang bahagi ng palengke.
Sinubukan na rin itong ilapit ng BITAG sa kapitan ng kanilang baranggay subalit nagulat sila nang malaman sa mga residente na diumano’y kay Kap nila nakuha ang permiso para magtayo ng kanilang puwesto sa waiting shed.
Kaya naman ang mga tindero’t tinderang umokupa sa waiting shed, sige lang sa pagnenegosyo at tuluyan nang inangkin na kanila ang teritoryo.
Kilos prontong nagtungo ang BITAG sa barangay hall matapos makita at makumpirma ang reklamo ng mga magulang na dumulog sa aming tanggapan. Subalit pagdating sa opisina, absent si Kap at tanging ang sekretarya lamang niya ang aming naabutan.
Ayon sa kanyang sekretarya, tulad ng katwiran ni Kap sa mga magulang, pansamantala lamang ang pagtira roon ng mga residente habang hindi pa natatapos na ayusin ang ipinapagawang proyektong talipapa sa kanilang lugar.
Dahil dito, dumiretso na ang BITAG sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), ang ahensiyang nagpatayo ng mga waiting shed sa Kamaynilaan. Ayon sa MMDA, ang ganitong garapal na pag-uugali ng mga Pinoy sa mga proyekto ng gobyerno ay mariing ipinagbabawal.
Panoorin ngayong darating na Sabado ng gabi sa BITAG sa TV 5 ang lantarang pananamantala ng ilang residente sa waiting shed na itinayo para pakinabangan ng publiko.
* * *
Para sa inyong mga sumbong at tips tumawag sa 9325310 o 9328919 o magpadala ng text message sa 09192141624 o mag-email sa [email protected] o magsadya sa BITAG Headquarters #299 Syjuco Bldg. Kalaw Hills, Tandang Sora, Quezon City mula Lunes hanggang Biyernes alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon.
- Latest
- Trending