IKINASAL sina Ely at Lina noong Hulyo 23, 1983. Matapos ang 14 na taon ng pagsasama at pagkakaroon ng apat na anak ay nagkasundo silang maghiwalay. Kinunsulta nila si Atty. Amelia at hiningi ang payo ng abogada kung maari silang maghiwalay ng legal at ipawalambisa ang kanilang kasal. Gumawa ng isang dokumento si Atty. Amelia na ang pamagat ay “Kasunduan ng Paghihiwalay” at ipinanotaryo ito. Sa ilalim ng kasunduan ay malinaw na pumapayag ang mag-asawa na maghihiwalay na sila at malayang makapaghahanap ng ibang asawa o kasama sa buhay. Ang tatlong panganay na anak ay mapupunta sa kustodiya ni Ely samantalang ang bunso ay kay Lina. Pero pansamantala, habang nag-aaral pa ang mga bata ay titira lahat sila sa piling ni Lina samantalang si Ely ang gagastos para sa pangangailangan nila sa araw-araw. Ang lahat ng kasangkapan sa bahay ay mapupunta kay Lina samantalang lahat ng maipupundar na ibang ari-arian ng bawat isa ay solo na nilang pagmamay-ari at walang pakialam dito ang kabiyak.
Bandang huli, inangkin ni Lina ang posesyon sa lahat ng kanilang ari-arian pati na rin ang kustodiya sa apat na bata. Kinunsulta ni Ely ang kasamahang si Manny na nagkataon ay graduate ng Law. Ayon kay Manny, walang bisa ang pinirmahan nilang kasulatan kaya nagsampa si Ely at Manny ng reklamo laban kay Atty. Amelia para sa paglabag nito sa sinumpaang tungkulin bilang abogado, para sa palpak nitong pagtupad ng trabaho at para sa talamak na kalokohang ginagawa nito sa opisina. Maaari bang sumabit si Atty. Amelia sa kaso?
MAAARI. Ayon sa batas, nilabag ni Atty. Amelia ang Rule 1.01 Canon 3 ng Code of Professional Responsibility. Ang isang abogado at notaryo publiko ay dapat na hindi maging kasangkapan sa pagwawalang saysay sa kasal at pagsasama ng pamilya sa pamamagitan ng paghimok sa paghihiwalay ng mag-asawa at sa pagkalusaw ng kanilang conjugal partnership samantalang wala naman itong basbas ng hukuman. Walang bisa ang paglusaw ng conjugal partnership lalo at hindi ito aprubado ng korte.
Dapat suspendihin bilang abogado si Atty. Amelia sa loob ng isang taon. Tatanggalan din siya ng karapatan na magnotaryo at babawiin ang kanyang notarial commission kung umiiral pa ito at sususpendihin ang karapatan niya sa pagnonotaryo sa loob ng dalawang taon (Espinosa vs. Omana, A.C. (9081, October 12, 2011, 659 SCRA 1).