KUNG may mabuting naidulot ang technology sa internet tulad ng mura at mabilis na komunikasyon sa ating mga kaibigan at kaanak na malayo sa atin, mayroon din naman itong negatibong ibinunga. Ito ay ang paglaganap ng cyber crime at iba pang uri ng panlolokong gamit ang mga social networking system.
Mabuti na lang at napagtibay na ang Cybercrimes Prevention Act of 2012 na nilagdaan na upang maging ganap na batas ni Presidente Aquino.
Ilang beses na akong nakatanggap ng email na mula umano sa isang kakilala na nagpapasaklolo sapagkat nawalan umano ng pera habang nasa ibang bansa. Kung gumagamit ka ng sentido komon, hindi ka naman agad sasakay sa ganyang panloloko. Pero meron ding nagogoyo. Nakukumbinsing magpadala ng pera na ang tatanggap pala ay ibang tao. Ginagamit din ang mga social network sa tinatawag na cybersex at human trafficking. Sa bisa ng bagong batas, lalapatan ng parusa ang mga mahuhuling gumagawa ng krimen sa internet katulad ng paninira ng reputasyon, cybersex, child pornography, identity theft at iba pa.
Pero sa tingin ko, mahirap matunton ang mga cyber criminal maliban na lang kung mahuli sa akto tulad ng mga nire-raid na opisina na gumagamit ng mga computers at nagpapalabas sa internet ng mga kalaswaan.
Laganap ang mga tinatawag na internet café at kung may gustong manloko ng sinuman, pupunta lang siya kahit saang internet café at gagamit ng ibang identity para isulong ang kanyang masamang agenda.
Ang masama pang puwedeng mangyari ay baka may gumamit sa pangalan ng ibang tao para manloko at ang kawawang taong ginamit ang identity ang mapapahamak sa unsolicited commercial communications ng internet.
Iyan ang kaakibat na problema sa umuunlad na technolohiya. Habang nagiging high-tech ang sistema ng komunikasyon, nagiging high-tech din ang klase ng mga nagaganap na krimen.