Mga politiko’t taong marurunong
ay nagkakaisa kanilang opinyon;
Itong ating bansa lakad ay paurong
dahil Pilipino’y sobrang dami ngayon!
Sa dami ng taong nasa ating bayan
ang mga mapera’y lalong yumayaman;
At ang mga dukhang sa hirap ay gapang
higit na marami ang kanilang bilang!
Sa sitwasyong ito ay walang magawa
Kundi magtungayaw mga masalita;
Ramdam na ng lahat na dapa ang bansa –
Pero ang libangan gumawa ng bata!
Sa sektor ng ating maykaya’t mayaman
Paggawa ng bata sila’y dahan-dahan;
Sa sektor ng ating dukhang kababayan
Paggawa ng bata ay nag-uunahan!
Sa sistemang ito’y lalong dumarami
mga mamamayang dukha at pulubi;
Ang mga mayaman dahil negosyante –
hindi alintana paggawa ng baby!
Ngayo’y naging gawi ng mga mayaman
kung sila’y mag-anak hanggang dalwa lamang
Mga anak nila’y kayang mapag-aral –
hatid at sundo pa ng mga sasakyan!
Ngunit ang pamilyang sa hirap ay dapa
anak sandosena, gawa pa nang gawa;
Ang ama at anak, sugarol, sugapa
kaya pulubi rin hanggang sa tumanda!
Kaya papaanong gaganda ang buhay
ng mga mahirap sa ating lipunan?
Kahit na ano pa gagawing pagbilang –
bilang ng mahirap – siksik, liglig, apaw!
Yaman daw ng dukha ay maraming anak
kung kaya maraming dito’y naghihirap;
Gusto ng gobyerno ito ay magwakas
pero kinokontra naisipang batas!
Kinontra ang lunas kaya sa Kongreso
mga mambabatas ay nagkakagulo;
Magandang layunin ng ating gobyerno –
pilit pinapatay nang maraming santo!