Pasanin mo ang iyong krus
Pahayag ni Isaias na dapat natin siyang tularan bilang “suffering servant” nang hindi siya tumutol nang siya ay bugbugin, insultuhin at luraan. Nagtiis siya. Hindi siya napahiya sa pagpapatunay na wala siyang sala at Poon mismo ang nagtanggol sa kanya. Ang pagsubok ng Diyos sa ating buhay ay isang napakalaking biyaya ng Panginoon. Hindi Niya tayo pababayaan. Ayon sa Salmo: “Kapiling ko habambuhay ang Panginoong Maykapal”.
Sa ating pagkatao ay dapat nating pagtibayin ang ating mabuting gawa na nagpapatibay sa tunay na pananampalataya. Sapagka’t ang tunay na Kristiyano ay gumagawa ng pagtulong sa pangangailangan ng kapwa. Hindi tayo dapat maging mga kasapi ng mga dasal nang dasal, wala namang magandang asal; simba nang samba, wala namang aba; ngawa nang ngawa wala namang gawa at awa.
Matapos tanungin ni Hesus ang mga sumusunod sa Kanya at mga alagad kung sino ba siya ay tayo rin ngayon ang Kanyang tinatanong: Kilala ba natin siya? Kung hindi natin kayang sagutin si Hesus, kaya ba naman nating tupdin ang Kanyang kondisyon? “Kung ibig ninuman sumunod sa akin limutin ang ukol sa kanyang sarili, pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin.”
Ang problema, sa halip na pasanin natin ang krus, ito ay ating itinutulak, hinihila o iniiwan. Lutasin natin ang mga pagsubok ng Diyos. Huwag iwasan, takasan, talikuran o pabayaan ang Krus ni Hesus manapa’y pasanin natin at isabuhay!
Dakila ang kabuuan ng nakaraang linggo. Ipinagdiwang ang kaarawan ni Mahal na Birhen Maria (Setyembre 8) at pista ng Kristo de Burgos na patron ng aming bayan, Sariaya, Quezon (Setyembre 12, 13 at 14). Mahigit nang 500 taon ang nakalipas nang dalhin ng mga Kastila ang malaking krus na ito mula Burgos, Spain. Sa Setyembre 15 naman ay ang paggunita sa pighati ng Mahal na Birhen Maria, Dolores at pista rin sa Dolores, Quezon.
Isaiah 50:5-9a; Salmo 116; Santiago 2:14-18 at Mk 8:27-35
- Latest
- Trending