Tanong sa cancer sa suso, cervix at eclampsia
“Dr. Elicaño, ano po ba ang mga palatandaan na may cancer sa suso? Meron po akong nakakapa na bukol sa aking suso. Hindi naman ito masakit.” --- CARMINA S. ng Mayamot, Antipolo City
Isa sa palatandaan ng cancer sa suso ay bukol na matatagpuan sa dakong itaas ng suso. Hindi ito masakit at matigas. Palatandaan din ang pagkakaroon ng discharge sa utong. Posibleng dugo ang lumalabas sa utong. Ang kulay na mamula-mula sa paligid ng suso ay palatandaan din ng cancer.
Sinabi mo na ang bukol na nakakapa mo sa iyong suso ay hindi naman matigas. Maaaring hindi yan cancer. Pero mas makatitiyak kung kukunsulta ka sa doktor.
* * *
“Ano po ang warning signs ng cancer sa cervix?” --- Wilma A. Chan, Tondo, Manila
Ang pagkakaroon ng discharge sa ari, pagkakaroon ng dugo sa ihi o kaya’y pagdurugo ng rectum ang warning signs ng cancer sa cervix. Palatandaan din ang pagdurugo pagkatapos ng pakikipagtalik. Kapag ang cancer ay nakakalat na sa pelvic at para-aortic nodes, makadarama ng pananakit sa ibabang bahagi ng likod. Makararanas ng pagsusuka, pagka-wala ng ganang kumain at pagbaba ng timbang ang may cancer sa cervix.
* * *
“Ano po ang eclampsia at ano ang dahilan nito?” –Teresa Labon, Batangas City
Ang eclampsia ay nangyayari sa panahon ng pagbubuntis. Apektado nito ang cardiovascular system. Warning sign ng eclampsia ang pagtaas ng presyon ng dugo, pananakit ng ulo at pamamaga ng sakong. Ang condition ay karaniwang nadidiskubre kapag ang ina ay nasa early stages na ng sakit kaya tinatawag na pre-eclampsia. Ang pamamahinga ay nararapat sa isang buntis at dapat na mamonitor ang fetus. Kapag grabe ang condition, kailangan na ang emergency Ceasarian section.
Ang dahilan ng eclampsia ay hindi maipaliwanag subalit karaniwan itong nangyayari sa unang pagbubuntis, kung may edad na ang ina, kung mataba, mataas ang blood pressure at may diabetes.
Ang grabeng complication ng eclampsia ay ang pagbaba ng platelet count, pagkasira ng atay at pagbaba ng red blood cells. Kung mangyayari ang ganito, kailangang isailalim sa Caesarian section ang pasyente.
May pangyayari na nagaganap ang eclampsia ilang araw makalipas ang panganganak kaya maski nakauwi na sa bahay ang pasyente nararapat ang medication para makontrol ang kanyang blood pressure.
- Latest
- Trending