Epal
MALAKAS ang tinig ngayon ng mga kontra-epal sa mga pulitiko na tila hindi mabubuhay nang hindi natatanaw ang kanilang mga mukha at pangalan sa halos lahat ng bagay sa kani-kanilang lungsod o distrito! Alam natin lahat iyan, mga bumabati ng “Congratulations!” sa mga nagtatapos taun-taon, mga bumabati ng “Happy Fiesta!” sa mga lungsod o distrito nila! At nandiyan din yung nilalagay ang kanilang mga pangalan o initials sa mga proyekto. Sa bangketa, sa poste ng ilaw, sa mga kahon ng halaman, sa mga waiting shed, sa mga karatula ng kalsada. Epal, ika nga. Tila pinaaalala araw-araw kung sino sila sa mundo, para pagdating ng halalan, mga pangalan kaagad nila ang maaalala. Yun ang paniniwala. Bukod sa pagiging epal ng opisyal o pulitiko, dagdag kalat lamang ang mga iyan sa lansangan!
Kaya tama ang kontra-epal ngayon. Gamitin ang kanilang pagka-epal para mapahiya, at masira na rin sa panahon ng halalan. Kung iisipin talaga, ano ang pondong ginamit para ipagawa ang lahat ng mga tarpaulin, banner, banderitas at karatula kung saan nakabandera ang kanilang mga mukha at pangalan? Hindi ako maniniwalang sarili nilang gastos iyan. Pondo ng mamamayan iyon! Pondo na galing sa mga buwis na binabayad! Yung mga business permit, barangay permit, sanitation permit, billboard permit, cedula, capital gains tax, transfer tax, documenytary stamps, lahat ng binabayad sa munisipyo, napupunta sa pag-display ng mukha at pangalan ng isang pulitiko o opisyal!
Kaya minabuti na ni Quezon City Mayor Herbert Bautista na burahin ang kanyang mga letrang “HB” mula sa mga bangketa ng Quezon City. Marami na rin ang nakapuna sa ginawang paglagay ng kanyang mga letra sa nasabing bangketa Nakikilala dapat ang isang opisyal o pulitiko sa kanyang mabuting nagawa, hindi dahil sa naka-paskel ang kanyang pangalan sa buong siyudad! Panahon na para maging mas mapag-isip sa mga bagay katulad ng pagkilala o pagboto sa isang kandidato. Hindi dapat binabase sa mababaw na sistema katulad ng pagtanda lamang ng pangalan, kundi dahil sa tunay na marami siyang nagawang mabuti para sa mamamayan.
Kaya sa mga epal na opisyal at pulitiko pa diyan na may mga mukha at pangalan kung saan-saan, tanggalin na rin ninyo ang mga iyan, nang hindi umabot sa panahon na mapahiya pa kayo dahil sa ka-epalan!
- Latest
- Trending